Timbog ang isang 43-anyos na lalaki na ilang buwang nagtago dahil sa pamamaril sa isang tricycle driver sa Bagong Silang, Caloocan.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing tinungo ng mga operatiba ng Northern Police District Special Operation Unit ang isang bahagi ng Barangay 176-B at doon inabutang nakasakay sa tricycle ang kanilang target na subject ng arrest warrant.
Agad pinadapa at pinosasan ang target.
“Nalaman natin na nagtago siya sa part ng Santa Maria, Bulacan at dito sa may Cavite. So palipat-lipat siya hanggang meron tayong tipster na nagturo na umuwi-uwi siya ng Sabado-Linggo. So inabangan ng tropa,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Alain Licdan, hepe ng Northern Police District - District Special Operation Unit.
Batay sa imbestigasyon, pinagbabaril umano ng akusado ang 44-anyos na lalaking tricycle driver sa Bagong Silang noong Disyembre 2024.
Patuloy na inaalam ang motibo sa pamamaril.
“Habang nagpapasada 'yung biktima which is a tricycle driver, inabangan ng suspek. Nakasakay sila ng motor at ito ay kanilang pinagbabaril. So dead on the spot ang ating biktima,” ayon kay Licdan.
Ikaapat sa most wanted persons list ng pulisya sa buong Metro Manila ang nadakip na lalaki.
Dati na rin siyang nadakip matapos makuhanan umano ng baril at nakasuhan dahil sa ilegal na droga.
Nakapag-return of warrant na ang mga awtoridad, at hinihintay na lang ang commitment order mula sa korte. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News
