Inaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 'viral cop' na si Francis Fontillas sa kasong inciting to sedition, dahil sa mga mabibigat na salitang kaniyang binitawan sa gobyerno sa kaniyang vlog tungkol sa pagkakadakip ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa spot report mula sa NCRPO, nahuli si Fontillas dakong 4 p.m. sa kahabaan ng Commonwealth, Quezon City nitong Lunes sa pamamagitan ng warrant of arrest na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 224.
“[The] case is already in court… Wala na po sa PNP (It is no longer with the Philippine National Police),” sabi ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo.
Itinakda sa P36,000 ang piyansa ni Fontillas.
Pulis na nag-viral sa social media matapos batikusin ang gobyerno, at kuwestyunin ang pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte, inaresto ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa kasong inciting to sedition na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act. | via @glenjuego pic.twitter.com/bzjChZ3RAn
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 17, 2025
Isinampa ang kasong inciting to sedition laban kay Fontillas noong Marso 18 dahil sa kaniyang pagbatikos sa pag-aresto kay Duterte, na sinabi niyang sarili niyang paninindigan at paggamit ito ng kaniyang kalayaan sa pamamahayag.
Sa isang nakaraang post sa kaniyang Facebook account, kinuwestiyon ni Fontillias ang reklamong inihain laban sa kaniya, sinabing nagpahayag lamang siya ng kaniyang paninindigan.
"Inciting to sedition daw 'ýung ginawa ko? Hahaha. Okay lang ba kayo? I only expressed my stand and my principles. Where's our right to freedom of expression now? Kawawa naman ang Pilipinas. Hahaha," sabi niya.
Na-dismiss sa serbisyo si Fontillas dahil sa grave misconduct noong Mayo 8, 2025.
Nauna nang idiniin ng PNP ang kanilang zero tolerance para sa political bias sa kanilang hanay at pinaalalahanan ang kanilang mga tauhan na manatiling walang kinakampihan at sundin ang pinakamataas na pamantayang etikal sa kanilang mga opisyal na tungkulin at personal na pag-uugali, kabilang ang kanilang presensya sa social media.
“PNP officers shall remain apolitical and non-partisan at all times and we must refrain from posting unauthorized and biased contents in social media and other communication platforms,” ayon sa Quezon City Police District. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News

