Dahil sa sarap, pagiging malaman nito na puwedeng iprito o ginataan, ilang tao ang nawiwili sa pagkain ng isdang tulingan. Ngunit ang ilang tao, nanikip ang dibdib at namula ang balat matapos kumain nito?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala sina Reymart Tobias at Maribeth Molina, mga nalason umano sa tulingan.

Ayon sa taga-Pasig na si Molina, ipinaluto niya sa kasambahay ang tulingan na ibinigay sa kaniya ng isang kaibigan, na isang linggo nang nasa loob ng ref.

“Tinignan ko 'yung tulingan, baka mayroong amag na. Wala naman, hindi ko na siya hinugasan. Ano ‘yun eh, sinaing na tulingan,” ayon kay Maricel Mantilla, kasambahay ni Molina.

Pinagsaluhan nina Molina at Mantilla ang inilutong tulingan. Pagkaraan lamang ng 15 minuto, nagsimula nang mangati ang katawan ni Molina.

Kalaunan, namaga na rin ang kaniyang mukha. Dahil sa kahirapan sa paghinga, isinugod na si Molina sa ospital.

Si Tobias naman, Hunyo 2 nang iluto niya ang naiwang tulingan sa kanilang ref.

“Medyo matagal na rin siya naka-imbak sa freezer. Siguro one week na,” sabi ni Tobias, na kampanteng maaari pa itong kainin.

Isinagawa rin niya ang kinakailangang preparasyon sa isda.

“May kasabihan na maaaring malason 'yung taong kakain kapag hindi natanggal 'yung buntot ng tulingan,” ayon kay Tobias.

Pagkaprito sa tulingan, sinamahan niya na ito ng kamatis at bagoong.

“Noong kinain ko na ‘yung tulingan, medyo may kati na, hindi ko naisip kung saan nanggaling. Tama naman ang pagkaprito,” sabi ni Tobias.

“After 15 minutes, doon na nagsimula ‘yung sintomas. Parang luluwa 'yung mata ko, sobrang init ng pakiramdam ko. Tapos bigla na lang may bumara sa dibdib ko. After ilang minutes, hinahabol ko na rin 'yung hininga ko,” ani Tobias, na humingi na ng tulong pagkatapos.

Kalaunan, nandilim na rin ang kaniyang paningin.

Natuklasan ni Tobias na nagkaroon siya ng tinatawag na scombroid poisoning na mula sa kinain niyang tulingan.

Nilinaw ng mga doktor na hindi ito dahil sa pagkain ng buntot ng isda, kundi sa mataas na antas ng histamine. Dulot ito ng hindi tamang pagkakaimbak ng isda pagkatapos itong hulihin.

“Siguruhin natin na malinis, nabili ito agad nang matanggal ang mga bituka. And then hangga’t maaari lutuin na agad. Puwede naman po ito agad lulutuin, puwede natin itomg ilagay sa freezer ka agad. So para mapanatili rin nating fresh,” sabi ni Elsie Gatpayat, Managing Director ng Food Safety and Hygiene Academy of the Philippines Inc.

Hindi lang ito nakukuha sa tulingan kundi pati sa iba ring klase ng isda na may mataas na level ng histidine o klase ng amino acid gaya ng tuna at sardinas, kapag hindi naimbak nang maayos o hindi tama ang pagkakaluto.

Payo ng medical specialist na si Dr. Christian Rey Manuel na kung sakaling makaramdam ng sintomas ng scombroid poisoning, uminom ng antihistamines at ng maraming tubig para maiwasan ang dehydration.

Ayon naman kay Gatpayat, dapat panatilihing naka-preserve ang isda matapos hulihin.

“Paano malalaman kung sariwa? So dapat siyempre 'yung mata malinaw saka hindi lubog. Walang mga nakalabas na bituka. 'Yung balat ng isda dapat makintab ‘yan. At ‘pag pinisil mo ‘yan, dapat firm siya. Hindi lumulubog 'yung daliri natin. Maximum na po natin dito is around 48 hours or two days,” sabi ni Gatpayat.

“Sa iba pong type of food, tumatagal siya hanggang 3 to 4 days. But again, the earlier that we consume it, the better po,” dagdag pa niya.

Tunghayan sa KMJS ang kinahinatnan nina Tobias at Molina matapos makaranas ng scombroid poisoning, at ang ginawa sa kanilang medikasyon para magamot ito. –NB, GMA Integrated News