Arestado ng pulisya ang isang lalaking tulak ng iligal na droga sa kanyang bahay sa Barangay Nangka, Marikina City.

Nabilhan siya ng operatiba na nagpanggap na buyer sa isang drug buy-bust operation nitong Lunes.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sa Cavite nanggagaling ang suplay ng droga ng high value target na residente ng San Mateo, Rizal.  

“Binabagsak ito sa suspect pero lumalabas na binabayaran muna niya sa supplier bago ito makipag-meet up o makipag-transaction dito sa Marikina," ayon kay Police Colonel Geoffrey Fernandez, hepe ng Marikina Police.

Nakumpiska sa suspek ang 13 pakete o 295 grams ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng mahigit P2 million.

“Yung suspect yung mga droga niya ay binibenta o kinakalat hindi lang dito sa ating AOR sa Marikina, kundi maging sa mga karatig bayan kagaya ng San Mateo at Antipolo, Rizal,” dagdag ni Fernandez.

Ang 32-anyos na suspek, sa korte na lang daw magpapaliwanag.

Sa rekord ng pulisya, dati nang nakulong ang suspek dail din sa droga noong 2020 at 2022.

Reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isasampa sa suspek na naka-detain sa custodial facility ng Marikina Police Station. —LDF, GMA Integrated News