Kinaantigan ng netizens ang mensahe ng isang 58-anyos na lalaki na naospital dahil sa diabetes, para sa kaniyang alagang aso na naiwang mag-isa sa kanilang bahay. 

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video message ni Daddy Ferdy Magpoc sa kaniyang aso na si Nipple o Nips, na kinaantigan ng puso ng netizens.

“Magpakabait ka ha, wait mo si Daddy. Magpapagaling pa si Daddy. May sugat si Daddy, ha. Hintayin mo ako riyan ha. Hindi naman kita iiwan. Love, love ko ‘yang princess na ‘yan,” mensahe ni Daddy Ferdy kay Nips.

Naiwan si Nips sa kanilang bahay matapos ma-ospital si Daddy Ferdy.

Kinailangang putulin ang isang binti ni Daddy Ferdy dahil sa diabetes.

Umabot sa P340,000 ang kanilang hospital bill, na halagang hindi kayang bayaran ng kaniyang anak na si Chris.

Nakadagdag pa sa pasanin ni Daddy Ferdy ang pag-aalala at pangungulila niya sa kaniyang fur babies, lalo na kay Nips.

Umuuwi naman si Chris para pakainin ang kanilang mga alaga, ngunit hindi sila naaalagaan nang maayos dahil madalas din siyang nasa ospital.

“‘Yung aso ko po, ‘yung alaga ko po, naiwan sa bahay. Miss na miss ko na po sila,” sabi ni Daddy Ferdy.

Taong 2022 nang ampunin ni Daddy Ferdy si Nips na isang stray dog noon.

Silang dalawa ang magkasama noong pandemya dahil malayo si Daddy Ferdy sa kaniyang pamilya.

Ito na ang pinakamatagal na magkawalay silang mag-amo.

Makaraan ang mahigit dalawang linggo, muli nang nagkasama sina Daddy Ferdy at Nips. Kay Nips humuhugot ng lakas si Ferdy, lalo’t hindi pa tapos ang kanilang kalbaryo.

Mahal ang mga gamot ni Daddy Ferdy at wala silang ideya kung paano nila ito tutustusan.

Umaasa rin si Daddy Ferdy na may tutulong sa kaniya upang makakuha ng prosthetic legs para makabalik kahit paano sa kaniyang dating buhay.

“Simula po nu’ng nagkasakit ako ng diabetes, nahinto na po ako sa trabaho. Ang anak ko naman po may pamilya na po siya. Siya lang po ang tutulong sa akin. Wala na kaming matakbuhang iba,” kuwento ni Ferdy.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News