Bukod sa mataas na presyo ng airfare, dagdag na pasakit sa mga pasahero ang travel tax na binabayaran sa biyahe palabas ng bansa. Ano nga ba ang travel tax at saan ito ginagamit?
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing mula Pebrero 2026, umaabot na sa P2,700 ang travel tax ng first class passengers samantalang P1,620 sa economy class passengers.
Kaya para sa pamilyang may apat na miyembro, umaabot ito sa kabuuang P6,480 hanggang P10,800 na dagdag-bayarin.
Ayon sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), ang travel tax ay buwis na ipinapataw sa mga lumalabas ng bansa, alinsunod sa Presidential Decree 1183.
"Section 1. There is hereby imposed… a Travel Tax from all citizens of the Philippines, permanent resident aliens and non-immigrant aliens who have stayed in the Philippines for a period of not less than one year,” saad dito.
Batay naman sa Republic Act 9593 o Tourism Act of 2009, 50% ng travel tax ang inilalaan sa tourism-related infrastructure, habang 40% naman ang napupunta sa Commission on Higher Education (CHED) at 10% para sa pagpapanatili ng heritage sites sa bansa.
Sa ilalim ng 50% travel tax para sa tourism-related infrastructure, sinabi ni TIEZA Chief Operating Officer Mark T. Lapid, na ang Tourist Rest Areas (TRA) ay hindi lamang para sa convenience ng mga biyahero, kundi para na rin sa mapaunlad ang mga lokal na negosyo.
“Tourist Rest Areas serve as essential stopovers for travelers – offering not only clean facilities and rest areas but also a reliable source of local tourism information and a space to showcase regional products,” ani Lapid.
Noong Nobyembre 2025, inanunsyo ng TIEZA ang 40 karagdagang TRAs na planong ipatayo sa iba’t ibang key destinations sa bansa.
Bukod dito, aktibo rin ang TIEZA sa pag-develop, pagpapaganda at pagdaragdag ng jetty ports at coast infrastructure para mapalago ang turismo.
Kaasama sa pinakabagong proyekto ng TIEZA ang site enhancement ng Caticlan Jetty Port at Airport para sa gaganaping ASEAN 2026, at ang pagtatayo ng bagong jetty port sa Lampinigan, Isabela City upang maging mas accessible ang ipinagmamalaking white sand beaches sa lugar.
Sa ilalim naman ng 40% travel tax para sa CHED, may mandato ang CHED na laanan ng pondo ang mga kurso, training, at educational programs na may kaugnayan sa turismo, batay na rin sa Tourism Act of 2009.
Kasama na rin ang pagtuturo sa mga estudyante ng wika, kasaysayan at cultural appreciation.
Sinabi ni TIEZA Chief Operating Officer Karen Sarinas-Baydo, na investment sa Filipino workforce ang tourism education.
“By prioritizing tourism education, we are strengthening our nation's most valuable asset – its people – and laying a strong foundation for sustainable growth in the Philippine tourism industry,” sabi ni Sarinas-Baydo.
Para naman sa 10% ng travel tax para sa heritage sites preservation and protection, ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang gumagamit sa 10% ng travel tax para sa mga programa na naglalayong protektahan at panatilihin ang historical at cultural heritage sa bansa.
Kasama na rito ang rehabilitasyon at management ng heritage sites.
“Kaya po nakakapagbigay po tayo ng mga local tourism infrastructure project sa ating mga local government unit sa kung saan-saang sulok ng Pilipinas… So then with these very tangible benefits on the travel tax, we sincerely hope that this can find merit,” sabi ni Sec. Christina Frasco ng Department of Tourism.
Pero ang ilang biyahero, umaalma at nagsasabing hindi dapat sa kanila ipasa ang pasanin ng pagpopondo ng mga panturismong imprastraktura at serbisyo.
Batay sa bagong panukala na kontra-travel tax na inihain sa Kamara, isinusulong ang tuluyang pag-abolish sa travel tax.
“Actually the funds that are allocated to it are very scarcely or hardly used as efficiently as possible,” sabi ni Ilocos Norte Representative Sandro Marcos.
Dagdag ni Marcos, kung aalisin ang travel tax, mas magiging competitive ang Pilipinas sa mga kalapit na bansa.
“When travel becomes more expensive, fewer people move, fewer people spend and fewer opportunities circulate through the economy. A tax that discourages travel also discourages growth. If our neighbors are opening doors and reducing barriers, we should not be holding on to policies that place us at a disadvantage,” sabi pa ni Marcos.
Sa buong Southeast Asia, ang Pilipinas lamang ang bansang naniningil ng travel tax.
Nobyembre 2002 nang mapasama ang Pilipinas sa mga pumirma sa ASEAN Tourism Agreement na nagsasaad na sa ilalim ng Art. 2, Sec. 3, dapat wala nang travel taxes ang mga mamamayan ng ASEAN members na bumibyahe sa mga bansang kasali sa ASEAN.
Ngunit base sa panukalang inihahain ni Senator Erwin Tulfo noong Setyembre 2025, patuloy pa rin sa pagsingil sa travel tax ang bansa. Hanggang noong Setyembre 2025, hawak pa rin ito ng komite sa Senado.
Sa bagong panukala ng Kamara, naglalayon na ang national government na ang magpopondo sa mga pangturismong imprastruktura at serbisyo ng TIEZA, CHED at NCCA.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

