Isang lalaki ang nasa kritikal na kalagayan ngayon matapos siyang sabuyan ng gasolina at silaban ng isa pang lalaki sa Taguig City.

Selos ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad, ayon sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagdating ng isang lalaki sa isang eskinita sa Barangay Pitogo.

Nilapitan nito ang isang lalaking nakatambay at nagse-cellphone.

Maya-maya ay bigla na lang sumiklab ang apoy at nagpulasan ang  mga tao.

Ang suspek ay nakita sa video na naabutan din ng apoy at tumakas.

Ayon sa isang saksi, 'yon ang ikalawang beses na dumating ang suspek.

Nitong nangyaring insidente, dumating ang suspek na may dalang supot na may laman palang gasolina. Ibinuhos daw ng suspek ang gasolina sa biktima, sinindihan ito gamit ng lighter, at sinabing, ''Ito, regalo ko sa 'yo."

Nagtamo ng third-degree burns sa iba't ibang bahagi ng katawan ang 28-anyos na biktima.

"Hindi ko nga makilala ang anak ko kung ano ang itsura niya. Ang layo. Hindi okay ang anak ko," pahayag ng ina ng biktima.

"Hindi makatao ang ginawa niya. Grabe talaga 'yung ginawa niya," dagdag niya.

Isang babaeng naglalaba malapit sa pinangyarihan ng insidente ang nadamay din.

Kuwento niya, nakita siya ng mga anak niya na inaapoy na. Ginamit daw niya ang mga nilalabhan niyang damit para maapula ang sunog.

Ayon sa ina ng biktima, pinagselosan ng suspek ang kanyang anak. Dati na raw nagbanta ang suspek sa biktima at inabangan pa ito sa trabaho.

Nagka-usap na raw sa barangay ang dalawang panig at humingi ng tawad ang suspek.

Ayon kay Barangay Chairman Ives Ebrada, may na-issue na silang barangay protection order laban sa suspek dahil umano sa pananakit, verbal abuse, at psychological abuse sa kanyang asawa.

Nagdagdag na ng bantay sa lugar ang barangay habang tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek.

Ayon kay Ebrada, nagka-trauma na ang mga kapitbahay dahil sa insidente. —KG, GMA Integrated News