Dalawang beses magkakaroon ng taas-presyo sa mga produktong petrolyo ngayong linggo para hindi maging biglaan ang malakihang fuel price hike. Ang presyo ng diesel, aabot sa P5 ang madadagdag sa presyo kada litro.
Sa magkakahiwalay na abiso na inilabas ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Seaoil Philippines Corp., at Shell Pilipinas Corp., inihayag nito na tataas sa Martes ng umaga ng P1.75 per liter ang gasolina, P2.60 per liter sa diesel, at P2.40 per liter sa kerosene.
Ang ikalawang bagsak ng fuel price hike ay ipatutupad naman sa umaga ng Huwebes sa kaparehong presyo.
Ang naturang dalawang bagsak na dagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo ay nakapagkasunduan umano ng mga kompanya ng langis, batay sa pakiusap ng Department of Energy (DOE).
Una rito, inihayag ng DOE ngayong Lunes, na uunti-untiin ng mga kompanya ng langis ang fuel price hike upang kahit papaano ay mabawasan ang matinding epekto sa mga motorista.
“Our dialogue with industry players today reflects our shared commitment to balance economic realities with the need to shield our people from sudden price shocks, and we are pleased to report that they have responded positively to our request,” saad sa pahayag ni DOE officer-in-charge Sharon Garin.
Makikipagpulong din si Garin sa mga opisyal ng Departments of Transportation (DOTr) at Agriculture (DA) sa Martes, para talakayin ang pagkakaloob ng subsidiya para sa mga PUV driver at magsasaka kapag umabot ang presyo ng crude oil sa $80 per barrel. Ngayon, nasa $75.16 per barrel ang presyo nito.
Naging malaking epekto umano sa malakihang taas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang sigalot ng Israel at Iras, ayon sa Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) ng DOE.— mula sa ulat ni Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ, GMA Integrated News