Patay ang 60-anyos na motorcycle rider matapos siyang pumailalim sa isang nakaparadang 10-wheeler truck na bigla na lamang umabante sa Payatas Road, Quezon City.Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang insidente 9 p.m. ng Lunes.Nagtulong-tulong ang mga rescuer para maialis sa pagkakaipit ang biktima.Naidala pa sa ospital ang rider ngunit idineklarang dead on arrival.“Pagdating po namin doon sa area, 'yung victim po natin nasa ilalim mismo ng bumper nu’ng truck, kasama niya 'yung motor na nakaipit doon mismo. Medyo matagal po 'yung pagkakaalis namin doon kasi ginamitan pa po ng tropa natin ng QCDM ng mga hydraulic para mai-angat po 'yung truck. Mga siguro 30 minutes to 45 minutes po bago po nahatak 'yung victim natin,” sabi ni Randy De Vera, Barangay Commonwealth Base 1 Deputy Team Leader.Nanggaling pa ang senior citizen na lalaking rider sa trabaho sa Quezon Avenue at pauwi na sana sa Payatas.“Noong tumawag po sa akin 'yung pamangkin ko, tumulo agad ang luha ko. Napakabait ng kapatid ko na ito eh. Pero anong magagawa ko? Aksidente eh,” anang kapatid ng biktima.Nasira ang harapan ng motorsiklo habang nabasag ang windshield ng truck na bumangga pa sa poste ng ilaw sa gasolinahan.Lumalabas sa imbestigasyon ng QCPD na nakagarahe ang truck sa compound na nasa tapat ng gasolinahan, nang bigla umano itong umabante.“Noong bago po nangyari po 'yung pag-abante ng truck, ginagawa po nila, tsina-charge po nila 'yung battery. Tapos ‘yun nga po, bigla na lang pong umabante 'yung truck at nawalan na ng kontrol hanggang nakalabas na po nu’ng gate, hanggang sa tinamaan na po 'yung biktima. ‘Yun po ‘yung sinasabi ng mga witnesses na nu’ng umabante 'yung truck, wala pong driver doon sa loob ng truck,” sabi ni Police Captain Joe Salvadico, QCPD Traffic Sector 5 Commander.Patuloy ang paghanap ng kapulisan sa truck driver, na umalis sa lugar matapos ang aksidente.Maaari siyang maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.“Dapat magpakita rin siya para mapanagutan niya kung ano man ang naging problema. Kahit wala siya sa manabila, may pananagutan pa rin siya,” sabi ng kapatid ng biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News