Himas-rehas ulit ang isang 49-anyos na lalaking construction worker matapos mahulihan ng mahigit P200,000 halaga ng shabu umano sa Barangay Tatalon, Quezon City.

Ang suspek, umamin sa pagbebenta ng droga dahil umano sapat ang kaniyang kinikita sa trabaho.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing sinillbihan ng search warrant na inisyu ng korte ang suspek.

Nakuha sa kaniyang bahay ang mga plastic sachet na may droga at drug paraphernalia, na aabot sa 30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P204,000 sa kabuuan. 

“Base sa mode of operation na na-gather namin sa kaniya, kinukuha niya po 'yung illegal drugs sa loob ng bahay niya. Wala po sa mismong posession niya. Kaya po in-apply-an po natin ng search warrant,” sabi ni Police Captain Joefrey Divina, Galas Police Station Duty Officer.

Sinabi ng pulisya na nagbebenta ng droga ang suspek ng abutan sa personal at online ang karaniwang transaksyon.

“Bale ang area of operation po nitong si alyas Elmer is Barangay Tatalon po at ang kaniyang mga parokyano po ay mga taga-Barangay Tatalon lang din at 'yung mga freelancers po na nag-aalok po ng services sa Banawe area po, 'yung mga mekaniko,” sabi ni Divina.

Ika-anim na beses nang nadakip ng suspek dahil sa kasong may kinalaman sa droga. Taong 2022 siya huling nabilanggo.

“Nagbebenta po ako kasi mahirap ang buhay… Pa-ano-ano lang ‘yung trabaho kong construction,” sabi ng suspek.

Sinampahan na ang suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News