Bahagyang maiibsan ang bigat sa bulsa ng mga motorista sa susunod na linggo dahil sa inaasahang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo. Bunga ito ng pagkalma sa tensiyon sa Gitnang Silangan dahil sa ceasefire ng Israel at Iran.

Ang tinatayang halaga na mababawas sa mga produktong petrolyo ay:

    Gasoline - P1.00 hanggang P1.40 per liter

    Diesel - P1.60 hanggang P2.10 per liter

    Kerosene - P2.00 hanggang P2.20 per liter

Ang pagtaya ay batay sa resulta ng apat na araw na kalakalan sa MOPS (Mean of Platts Singapore), ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero.

“Bearish factor that counterbalance the bullish price last week is the announcement of President [Donald] Trump of possible ceasefire between Israel and Iran, thus crude oil future extends drop,” Romero said.

Ang MOPS ang basehan ng presyuhan ng refined petroleum products sa Southeast Asia.

Nauna nang sinabi ni DOE officer-in-charge Sharon Garin, na naobserbahan na bumaba ang average price ng crude oil makaraang ianunsyo ni Trump na nakalatag na ang ceasefire sa Israel at Iran.

Ngayong linggo, nagpatupad ng malakihang taas-presyo sa mga produktong petrolyo [na hinati sa dalawang bagsakan] na epekto ng palitan ng bomba ng Israel at Iran.

Unang ipinatupad ang price hike noong Martes na P1.75 per liter sa gasolina, P2.60 per liter sa diesel, at P2.40 per liter sa kerosene. Inulit ang naturang taas-presyo nitong Huwebes — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News