Tumanggi umano ang pamahalaan ng Australia na tanggapin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling pahintulutan ng International Criminal Court (ICC) ang kaniyang kahilingan na pansamantalang paglaya.
Batid umano ng Australia na nag-apply si Duterte ng pansamantalang paglaya sa isang hindi pinangalanang bansa, ngunit hindi naman daw nito ikinukonsidera ang pagtanggap sa dating pangulo dahil naniniwala silang mas nararapat na ang ICC ang magdesisyunan dito, ayon sa nakuhang impormasyon ng GMA News Online ngayong Biyernes.
Sa aplikasyon para sa pansamantalang paglaya, sinabi sa korte ng kampo ni Duterte na may isang bansa na pumayag na tatanggapin ang dating pangulo. Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kaniyang kampanya kontra sa ilegal na droga noong termino niya.
Kamakailan lang, sinabi ni Bise Presidente Sara Duterte, na isa ang Australia sa mga bansang tinitingnan ng kaniyang ama na tutuluyan kapag napagbigyan ang kahilingan na pansamantalang paglaya.
Parte ng Rome Statute ang Australia, ang kasunduan na nagtatag ng International Criminal Court.
Kasalukuyang nakadetine ang nakatatandang Duterte sa ICC sa The Hague, Netherlands.
Samantala, humiling ang Office of the Prosecutor sa ICC Pre-Trial Chamber na tanggihan ang kahilingan ni Duterte na pansamantalang makalaya. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News

