Sa kabila ng mga ugong na naghahanap ang Malacañang ng bagong mamumuno sa Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, na nananatiling acting chief ng nasabing tanggapan si Jay Ruiz.

''Wala pa pong nakakarating sa akin [na magpapalit]. Secretary Jay remains to be the acting secretary of PCO. So, kung may mga ugung-ugong, wala pong nakakarating sa amin,'' sabi ni Castro sa isang press conference ngayong Biyernes.

Matatandaan na hindi nakumpirma sa Commission ng Appointment ang pagkakatalaga kay Ruiz bago nagtapos ang ika-19th Congress. Dahil dito, muling itinalaga ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr., ang dating broadcast journalist bilang acting secretary ng PCO.

Ayon sa isang source, isang dating journalist na communications director ngayon ng isang malaking kompanya ang inalok na pamunuan ang PCO pero hindi pa umano ito nagpapahayag kung tatanggapin ang naturang posisyon.

Si Ruiz ang ika-apat na PCO chief sa mahigit tatlong taon ng administrasyong Marcos.

Unang naging PCO head si Atty. Trixie Cruz-Angeles, na tumagal lang ng ilang buwan, bago pinalitan ni Atty. Cheloy Garafil.

Noong September 2024, nagbitiw si Garafil at pumalit sa kaniya si Cesar Chavez, na nagbitiw naman kinalaunan nitong nakaraang Pebrero 2025. – mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News