Arestado ang ilang tao dahil sa pag-isyu ng mga pekeng notaryo gamit ang pangalan ng isang retiradong abogado sa Caloocan City.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang marahan na paglapit ng District Special Operations Unit ng Northern Police District sa kanilang target na establisimyento nitong Huwebes.

Matapos makatanggap ng hudyat ng undercover, pumasok na ang pulisya kasama ang isang 82-anyos na abogado na complainant.

Hindi gumana ang dahilan ng mga target ng entrapment operation.

Batay sa sumbong sa NPD ng retiradong abogado, taong 2022 pa siya tumigil sa pagnonotaryo matapos ma-stroke.

Hanggang sa laking gulat na lamang niya nang ipatawag siya sa korte para sa notaryong hindi naman niya ginawa.

“Ang ginagamit po ay ‘yung mismong notary seal at pangalan ng ating complainant na isang abogado po. Iyon po ay kaniyang itinanggi, hindi po niya ‘yun pirma,” sabi ni Police Captain Marcelina Pino, PIO Chief ng Northern Police District.

Sinabi ng NPD na bawal at delikado ang pekeng notaryo.

“Once po na nagamit ‘yung mga pekeng dokumento at nalalaman po sa court na due to technicalities maaari pong mabalewala ‘yung kanilang mga reklamo. Kaya malaki po ang magiging epekto nito,” sabi ni Pino.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga suspek na na-inquest na nitong Biyernes at nakakulong na sa Northern Police District.

Nahaharap sila sa mga kasong usurpation of authority o Article 177 ng Revised Penal Code, estafa by means of deceit sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code at falsification by a private individual.

Maaaring mabilanggo ng hanggang 20 taon ang mga suspek at may multa na hindi hihigit sa P1 milyon. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News