Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos siyang magpanggap umanong pulis at tinutukan ng baril ang babaeng kaniyang inutangan para takutin ito sa Barangay Comembo, Taguig City.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nadakip ang lalaki Lunes ng gabi.

Lumabas sa imbestigasyon na may utang na P20,000 ang suspek sa babae ngunit ayaw niyang magbayad. Dahil dito, sinindak niya ang biktima at nagpakilalang pulis.

Iniulat ng biktima ang panunutok sa kaniya ng suspek sa pinakamalapit na police outpost.

Kinompronta ng mga totoong pulis ang lalaki at doon na natuklasan ang kaniyang pagkakakilanlan.

“Noong pinuntahan naman ng mga kapulisan natin, naka-jacket pa siya ng pulis. Uniform na jacket ng pulis, with police markings, and may radyo pa. So pagkatapos, noong makita na naka-pulis na jacket siya, tinanong siya ng tropa at hiningian siya ng ID. Nagpakilala, tinanong siya kung pulis ka ba talaga. Nagpakilala siya, sabi niya pulis daw siya,” sabi ni Police Captain Sherwin Revilla, hepe ng Taguig Police Substation 10.

“So nu’ng hiningian naman na siya ng documents, like the PNP ID, wala siyang maipakita. So sa katagalan, umamin din siya, ‘Sir, hindi po ako pulis,’” dagdag ni Revilla.

Ininspeksiyon din ang lalaki malapit sa kaniyang tirahan at nakuhanan ng handgun na walang sapat na papeles na magpapatunay na lisensyado ito, at isang sachet ng hinihinalang shabu.

Depensa ng suspek, ang pagsusuot ng jacket na may police markings ang kaniyang tanging pagkakamali, at hindi naman siya nagpapakilalang pulis. Itinanggi niya ring sa kaniya ang nakuhang kontrabando.

“Sabi ko sa kanila, ‘Drug test tayo ngayon. Kung positive ako, sige.’ Eh, pangit naman na pagdating sa police station, lapag 'yung baril at saka 'yung droga. Hindi naman tama ‘yun,” sabi ng suspek.

Nakatakdang isailalim sa inquest proceeding ang suspek na kakasuhan ng usurpation of authority, illegal possession of firearms, at possession of dangerous drugs. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News