Kahit nanggulat sa first set, yumuko pa rin ang Pinay tennis star na si Alex Eala sa defending champion na si Barbora Krejcikova ng Czech Republic sa kanilang salpukan sa first round ng 2025 Wimbledon women's singles nitong Martes sa London.

Nakuha ni Eala ang first set sa iskor na 3-6, pero bumawi sa dalawa pang sumunod na set si Krejcikova sa mga iskor na 6-2, 6-1 upang umusad sa susunod na round ng torneo.

Dahil sa panalo, mapanatili ng 29-anyos na si Krejcikova, world no. 16, ang pag-asa niyang madepensahan ang kaniyang korona.

Nabigo man sa laban, nakagawa pa rin ng kasaysayan ang 20-anyos si Eala, world no. 56, dahil siya ang kauna-unahang Pinay na nakapaglaro sa naturang prestihiyosong torneo sa tennis.

Bago ang naturang laban, matatandaan na naging runner-up si Eala sa katatapos lang na Eastbourne Open, kontra kay Maya Joint ng Australia sa iskor na 4-6, 6-1, 6(10)-7(12) na ginanap sa United Kingdom nitong Sabado. – mula sa ulat ni Bea Micaller/FRJ, GMA Integrated News