Iniutos ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. ang malalim na imbestigasyon sa kaso ng nawawalang mga sabungero. Ito ay makaraang ihayag ng isang akusado na nais nang maging testigo na patay na ang mga biktima, at may mga pulis na sangkot umano sa krimen.
Inihayag ito ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, nang tanungin tungkol sa reaksyon ng pangulo kaugnayl sa naturang kaso.
''Ipagpatuloy po ang pag-iimbestiga, ang malalimang pag-iimbestiga para malaman kung sino ba talaga ang sangkot dito at mapanagot ang dapat mapanagot,'' pahayag ni Castro sa isang press briefing nitong Miyerkules.
Inihayag din ni Castro ang tiwala ng Malacañang sa integridad ng korte sa bansa, sa harap na rin ng hinala na maimpluwensiya ang sinasabing utak sa krimen.
''Naniniwala po tayo sa integridad ng ating Korte at ito'y masosolusyunan na ayon sa batas at ayon sa rule of law,'' giit ni Castro.
Una rito, sinabi ni National Police Commission (Napolcom) vice chairperson at executive officer Atty. Rafael Calinisan, na sinimulan na ng komisyon ang kanilang pagsisiyasat tungkol sa umano’y mga pulis na sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.
Inihayag din ni PNP chief Police General Nicolas Torre III na suportado nito ang hakbang ng Napolcom, at makikipagtulungan sa komisyon ang Internal Affairs Service ng PNP.
Kamakailan lang, sinabi ng isang alias Totoy, na nais na maging testigo, na nasa 20 pulis ang sangkot sa krimen tungkol sa mga nawawalang sabungero.
Bagaman 34 na sabungero ang nakatala sa kaso na nawawala mula 2021 hanggang 2022, sinabi ni Totoy na aabot sa 100 ang nawawalang mga biktima na pawang patay na.
Itinapon umano ang mga bangkay ng mga biktima sa Taal Lake na nilagyan ng pabigat na buhangin.
Sinabi pa ni Totoy na dinukot at pinatay umano ang mga biktima dahil sa pandaraya sa sabong na kung tawagin ay nantitiyope sa laban. Sa naturang sistema, pinapahina umano ng sabungero ang manok na ilalaban at saka tataya sa manok ng kalaban.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

