Sa kulungan ang bagsak ng isang 19-anyos na lalaki matapos niyang nakawin ang tip box ng isang coffee shop na naglalaman umano ng P12,000 sa Binondo, Maynila. Ang suspek, lulong umano sa sugal at doon ginamit ang tinangay na pera.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News “Balitanghali” nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV camera ang lalaki na mistulang customer na pumasok sa coffee shop sa Juan Luna Street sa nitong Martes ng gabi.
Hanggang sa unti-unti nang ginagalaw ng lalaki ang tip box na nasa counter. Umalis siya saglit pero pagkabalik, tinangay na niya ang tip box.
Sinabi ng pulisya na pasara na ang coffee shop nang matuklasan ng mga empleyado na nawawala na ang kanilang tip box.
Sa isa pang kuha, makikita pa ang suspek na agad lumabas ng coffee shop ngunit hindi na niya dala ang tip box.
Hindi na nakunan sa CCTV ngunit sinabi ng pulisya na pumasok sa CR ang lalaki at doon umano niya kinuha ang laman ng tip box na aabot sa P12,000 na kaniyang inilagay umano sa bag.
Batay na rin sa backtracking, nakita ang suspek na sumakay ng e-trike.
Sinabi ng Meisic Police Station na nadakip sa follow-up operation ang suspek sa Elcano Street ngunit hindi na nabawi ang pera na kaniyang ninakaw dahil nagamit na umano niya sa online gambling.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na lulong sa sugal ang suspek at dati na rin siyang nakulong dahil dito.
“Upon investigation, may mga lugar siya na pinupuntahan dito. ‘Pag may pera siya, doon siya tumatambay at naglalaro ng online game na iyon. So parang ‘yun ‘yung naging drive niya para mag-commit ng ganong violation,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Richard Villanueva, Station Commander ng Manila Police District 11.
Umamin ang suspek sa krimen ngunit itinangging P12,000 ang nakuha niyang pera.
Ginamit niya umano ang pera para sa gatas at diaper ng kaniyang dalawang anak at hindi raw ipinangsugal.
“Wala eh, tawag na po ng pangangailangan eh. Kung susumahin po lahat-lahat ‘yun nasa mga 9 o 10 lang po ‘yun sir,” sabi ng suspek.
Na-inquest na ang lalaki at sinampahan na ng kasong theft.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
