Hindi pa tapos ang laban ng Pinay tennis star na si Alex Eala sa Wimbledon kahit nabigo siya sa kaniyang unang pagtapak sa Centre Court sa women's singles nitong Martes sa London.

Sa kaniyang pagbabalik sa Wimbledon, sasabak naman siya sa women’s doubles, kasangga si Eva Lys ng Germany.

Sasagupain nila ang tambalan nina Ingrid Martins ng Brazil, at Quinn Gleason ng Amerika, mamayang 7:10 p.m.

World no. 80 sa doubles si Martins, 28-anyos, habang pang-70 naman ang kakampi niyang 30-anyos na si Gleason.

World no. 56 naman sa singles ang 20-anyos na si Eala, habang world no. 61 ang 23-anyos na si Lys.

Natalo si Lys sa second round ng Wimbledon women's singles nitong Miyerkules laban sa Czech player na si Linda Noskova.

Nitong nakaraang Martes, natalo si Alex sa defending champion na si Barbora Krejcikova ng Czech Republic sa kanilang salpukan sa first round ng 2025 Wimbledon women's singles.

Si Alex ang unang Pinay tennis player na nakarating sa Wimbledon women's singles, at magiging unang Pinay tennis player din na sasabak sa Wimbledon women's doubles.

FRJ, GMA Integrated News