Isang sasakyan sa Tondo, Maynila ang sinunog ng mga suspek nitong Lunes ng madaling araw. Ang mga suspek, nagpaputok pa ng baril.

Nangyari ang insidente sa G. Santiago Street sa kanto ng R. Papa Street sa Barangay 189 sa Barrio Obrero sa kasagsagan ng pag-ulan nitong 4:20 ng umaga, ayon sa ulat ni Manny Vargas sa Dobol B TV.

Sa kuha ng CCTV, nakitang binasag ng mga suspek ang salamin ng sasakyan at sinilaban ito.

Nagpaputok ng baril ang mga suspek habang tumatakas sakay ng mga motorsiklo.

Nasa tatlo hanggang apat ang bilang ng mga suspek.

Iniimbestigahan na ng Manila Police District (MPD) ang insidente.

Tumangging magbigay ng pahayag ang may-ari ng sasakyan. —KG, GMA Integrated News