Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ngayong Lunes na plano nang simulan ang paghahanap sa mga labi ng nawawalang mga sabungero na sinasabing itinapon sa Taal Lake.
Ayon kay Julie "Dondon" Patidongan, isa sa mga akusado sa kaso na nais maging testigo, patay na ang nawawalang sabungero na dinukot mula 2021 hanggang 2022, at itinapon umano sa lawa na nilagyan ng pabigat.
Ayon kay Remulla, target na masimulan ngayong linggo ang paghahanap sa mga labi.
Magsisilbing “ground zero” umano ang isang palaisdaan na inupahan umano ng isang suspek.
“We want to map it out and look at the condition so we can plan how to go about it,” pahayag ni Remulla.
Nang tanungin kung may particular na lugar na pagtutuunan sa paghahanap, sagot ng kalihim, “Merong fishpond lease ang isang suspect na ano natin, tinutukoy natin. Bali ‘yun ang ating ano... ground zero natin."
Una rito, inihayag ni Remulla na plano niyang humingi ng tulong sa Japan na may sapat na kagamitin para sa naturang paghahanap sa ilalim ng tubig.
Kamakailan lang, pinangalan ni Patidongan, na kabilang ang negosyanteng si Atong Ang sa mga utak sa pagkawala ng mga sabungero. Tinukoy din niya ang aktres na si Gretchen Barretto na may nalalaman din umano sa krimen.
Magkahiwalay naman na pinabulaanan nina Ang at kampo ni Barretto ang mga akusasyon ni Patidongan.
Binanggit ng dalawa na nanghingi umano ng pera sa kanila si Patidongan para hindi sila isangkot sa kaso, na itinanggi naman ni Patidongan.– mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
