Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki dahil sa panggagahasa umano sa isang 15-anyos na dalagita sa banyo ng isang gas station sa Marikina. 

Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ng Marikina Police na nag-iikot noon ang kanilang mga tauhan nang mapansin ang isang menor de edad sa isang gasolinahan sa may JP Rizal sa gitna ng curfew hours.

“Bandang 10:30 ng gabi, nakita 'yung isang bata doon na parang may hinihintay. Then nu’ng sinita, sabi nu’ng bata, hinihintay niya 'yung kapatid niya na nasa CR. Biglang lumabas isang lalaki, then sinundan nu’ng bata sa isang CR. So doon na nagkaroon ng pagdududa,” sabi ni Police Colonel Geoffrey Fernandez, hepe ng Marikina Police.

Idinetalye ng dalagita sa pulisya ang naganap sa loob ng banyo.

“Sinabi nu’ng bata na galing sa CR na hinalikan siya nang dalawang beses, then hinawakan ‘yung maseselang parte ng katawan at pagkatapos nagkaroon ng total penetration. Pagkatapos 'yun nga nang mangyari, gahasain sa loob ng CR, binigyan 'yung menor de edad ng P150 ng suspect,” ayon kay Fernandez.

Dahil dito, dinakip ng pulisya ang lalaki.

Sinabi ng suspek na si alyas “Joy,” na nagtatrabaho sa isang convenience store sa gasolinahan, kakilala niya ang biktima.

Nag-ahit lang umano ang suspek sa loob ng CR na pambabae dahil maaliwalas ito at madalas niyang puntahan.

Noong mga sandaling iyon, isinara niya ang main door sa pag-aakalang walang ibang tao sa CR.

“Ang bata na ‘yun, matagal ko nang kilala, matagal na 'yun nanghihingi, namamalimos. Ang nangyari roon, pagpasok ko, may tao pala, ‘O anong ginagawa mo? Sige bilisan mo riyan,’ kasi ayoko ngang kapag pumasok ako, nag-aahit ako, may pumasok na babae, siyempre bawal, nakakahiya,” sabi ng suspek.

Nagkataon lamang na paglabas niya, naroon din ang pulisya.

Itinanggi niya ang akusasyong panggagahasa, at pinabulaanang binigyan niya ng pera ang menor de edad.

“Hindi ko po alam 'yun kasi 'yung mga bata na ‘yun, ‘pag nakabuo sila ng mga pera, nagpapabuo po sa amin ‘yun. Mga buo, minsan P100, minsan P50. Hindi ko alam saan galing ba kaya 'yung pera na ‘yun. Nagpabuo siguro 'yun sa ibang store,” anang suspek.

Ngunit batay sa isang menor de edad na saksi na pinayagan ng mga magulang na magpapanayam sa GMA Integrated News, natutulog siya malapit sa CR nang magising matapos may marinig na sigaw ng babae.

“Pagkakita ko po, nagmamasid-masid po 'yung kuya. Pagka tingin-tingin ko po sa CR, may butas. Maingay-ingay na po. Pagsabi ko po, ‘Tao po,’ may tao po diyan, maingay. Tapos nagkasugat po sa likod, tapos warak-warak na po 'yung damit,” sabi ng menor de edad na lalaki.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng panig ang kaanak ng biktima.

Nakakulong sa Marikina City Police Custodial Facility ang suspek na sasampahan ng reklamong statutory rape.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News