Bukod sa anak, posibleng maging kinatawan na rin ng Tingog partylist at umupo sa Kamara de Representantes si Yedda Romualdez, asawa ni Speaker Martin Romualdez.

Ito ay matapos magbitiw mula sa partylist-group dahil sa “personal circumstances” ang third nominee na si Marie Josephine Calatrava, na siya dapat na magiging ikatlong kinatawan ng Tingog sa Kamara, ayon sa Commission on Elections.

Bagaman pang-anim si Yedda sa isinumiteng listahan ng grupo bilang nominees, napag-alaman na nagbitiw naman bilang nominees ang pang-apat na si Alexis Yu at pang-lima sa listahan na si Paul Muncada, matapos silang mahalal na party executive vice-president, at vice-president for internal affairs, ayon sa pagkakasunod.

Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, pinapayagan sa ilalim ng Party-list System Act ang pagpalit ng nominee kapag umalis ang nakalinya basta nakalista ang pangalan sa kanilang isinumite sa Comelec.

“Halimbawa, nag-resign si 1, papalit si number 2. Namatay si number 3, papalit si number 4. So long as ‘di pa nauubos ang sinubmit sa atin,” paliwanag ni Garcia.

Pangatlo ang Tingog Partylist sa partylist groups na nakakuha ng pinakamaraming boto nitong nakaraang Eleksyon 2025. Nakakuha ito ng tatlong upuan para maging kinatawan sa papasok na 20th Congress.

Naging kinatawan din si Yedda ng Tingog nitong nagdaang 19th Congress.

Ang anak ni Speaker Romualdez at Yeddah na si Andrew Julian ang first nominee ng Tingog.

“Dapat si number 6 ang ipapalit and we have no discretion on that. Ito ay duly-submitted ng naturang partylist at duly-published by the commission,” ayon pa kay Garcia.

“Walang natanggap na disqualification or opposition or petition for disqualification sa sampu na ‘yan therefore, intact ang listahan. Kahit hindi kami mag-issue ng certificate of proclamation, puwede na tanggapin ng HOR sapagkat na-proclaim na ang naturang party-list,” dagdag pa ng opisyal. — mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News