Patay ang tatlong katao samantalang dalawa ang sugatan matapos magsalpukan ang isang SUV at pampasaherong bus sa Maharlika Highway sa San Pablo City, Laguna.

Sa ulat ni Mao Dela Cruz ng Super Radyo DZBB, sinabing naganap ang insidente sa kanto ng 7UP Road at Soledad Santissimo Road sa Barangay San Francisco, 1:45 a.m. ng Sabado.

Batay sa ulat ng pulisya, sakay ng SUV ang lima katao nang makasalpukan nito ang bus.


Kabilang sa mga sugatan ang mismong driver ng SUV.

Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver ng bus samantalang patuloy ang imbestigasyon ng San Pablo City Police Station para malaman ang sanhi ng insidente, kabilang kung may kaugnayan ang trahediya sa masamang lagay ng panahon. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News