Nahuli-cam sa Mandaue City, Cebu ang isang hit-and-run incident na kinasasangkutan ng babaeng siklista at isang pickup truck.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, sinabing ang Mandaue City Command Center ang nakakuha ng video ng insidente noong hatinggabi ng February 12, 2026 sa Barangay Banilad.

Sa video, makikita na maluwag ang daan nang masalpok ng pickup ang bisikleta na nasa kniyang harapan.

Natumba ang siklista, pero mabuting hindi siya nagulungan ng pickup, na nagtuloy-tuloy lang sa pag-arangkada.

Dinala ang biktima sa ospital at kinalaunan ay pinayagan ding makalabas.

Tukoy na umano ng pulisya ang plaka ng pickup, at makikipag-ugnayan sila sa Land Transportation Office (LTO) Region 7 para malaman kung sino ang driver ng sasakyan. -- FRJ GMA Integrated News