Nagpakawala ng tubig ang limang dam sa Luzon bunga ng patuloy na pag-ulan na dulot ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa state weather bureau na PAGASA nitong Martes.
Ayon kay PAGASA weather specialist Juan Paolo Pamintuan, ang mga dam na nagpakawala ng tubig ay ang La Mesa Dam sa Quezon City; Upper Wawa Dam sa Rodriguez, Rizal; Ipo Dam sa Bulacan; at Ambuklao at Binga Dam sa Benguet.
Sinabi ni Pamintuan, na umapaw na ang La Mesa Dam matapos na maabot ang water level nito sa 80.17 meters pagsapit ng 9 a.m. Ang normal level ng dam ay 80.15 meters. Inaasahan na maaapektuhan sa pagpapakawala ng tubig ang mabababang lugar na dadaanan ng Tullahan River kabilang ang Quezon City, Valenzuela City, Caloocan City, Malabon City, at Navotas.
Umapaw din ang Upper Wawa Dam simula nitong Lunes ng gabi at maaaring maapektuhan ang dadaanan ng Pasig-Marikina River, kabilang ang San Mateo, Rodriguez, Antipolo, Quezon City, Marikina, Pasig, San Juan, Mandaluyong at Maynila.
“In-inform tayo ng LGUs ng Rizal at Marikina na nakapag-preemptive evacuation sila. Currently, overflowing pa rin ang Upper Wawa Dam at dinadaanan niyan ang Pasig-Marikina River,” sabi ni Pamintuan sa Super Radyo dzBB nitong Martes ng umaga.
Sa pagbubukas ng gate ng Ipo Dam, maaari umano itong magdulot ng pagbaha sa mga lugar na malapit sa Angat River. Umabot umano ang water level nito sa 100.28 meters, bagaman wala pa sa normal water level na 101.10 meters.
Ang Ambuklao at Binga Dam, tatlong gate ang binuksan na tig-1.5 meters nitong weekend para magpakawala ng tubig.
“Ang baha natin, maliit lang contribution ng dam. Most of the contribution ng baha ay galing sa ulan,” sabi pa ni Pamintuan. “Although mababa, hindi pa rin siya negligible. Mayroon pa rin siyang epekto.”— Mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News

