Patay na nang matagpuan ang isa sa dalawang sakay ng isang sports utility vehicle (SUV) na nahulog sa isang sapa sa Caloocan City habang mataas ang baha nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat ni Chino Gaston sa Super Radyo DzBB nitong Martes, sinabing 10:00 am nang makuha ng mga tauhan ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), ang bangkay ng 60-anyos na lalaki na siyang driver umano ng SUV.
Nakita ang bangkay sa Sampaguita Bridge sa Bagong Silang, Caloocan City.
Ayon umano sa pamilya ng biktima, kasama nito ang kaniyang employer dakong 7 p.m. nitong Lunes. Nakatawag pa raw ito upang magpahingi ng rescue sa barangay hanggang sa nawala na sa linya.
Natagpuan ang SUV sa Durian Bridge, isang oras matapos itong mahulog sa sapa sa bahagi ng Doña Aurora Street sa Camarin North kagabi.
Sa hiwalay ng panayam ng dzBB, sinabi ni Caloocan City Mayor Dale Malapitan, na medyo malayo na ang lugar kung saan nakita ang SUV mula sa lugar kung saan ito nahulog dahil sa malakas na agos ng baha.
“Medyo malayo na 'yon sa lakas na rin ng current ng baha,” ayon sa alkalde. “Wala na yung pasahero sa loob. Patuloy ang ating paghahanap.”
Ayon sa chairman ng Barangay 177, ikalawang pagkakataon nang may nahulog na sasakyan sa sapa.
Mayroon naman umanong barrier sa gilid nito ngunit sadya umanong mataas ang tubig kapag matindi ang ulan. Hindi naman daw magawang taasan ang barrier dahil mapupuno ito ng basura.
Kaya naman ipinagbabawal na lang umano ng mga barangay tanod ang pagdaan ng mga sasakyan sa lugar kapag baha.
Patuloy naman ang paghahanap sa kasama ng driver na isang babae.—FRJ, GMA Integrated News

