Bangkay na nang matagpuang palutang-lutang ang isang batang lalaki sa Laguna Lake sa Tanay, Rizal. Ang isa pa niyang kasama, patuloy na hinahanap.
Sa ulat ni Tina Panganiban - Perez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa isang CCTV ang isa sa mga huling sandali na buhay ang biktima kasama ang dalawa pang bata na papunta sa ilog sa Barangay Bombongan sa Morong upang maglaro noong Sabado.
Sa kasawiang palad, wala nang buhay nang matagpuan ang bata sa bahagi ng Barangay San Isidro sa Tanay.
“Sila ay naglaro, naglangoy sa spillway sa creek, and then, tinangay sila ng malakas na agos papunta sa lawa ng Laguna Lake,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, Chief of Police ng Tanay MPS.
“Dumating ako sa bahay, galing sa trabaho, hinahanap ko ‘yung mga anak ko. Hindi ko na makita, Ang anak ko lang na isa, hindi pa nagsasabi nang totoo noong una na nalunod na pala… Nalunod sa lakas ng agos,” sabi ng ama ng biktima.
Patuloy ang paghahanap sa isa pa nilang kalaro. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
