Nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority ang sangkatutak na basura sa ilang lugar sa Metro Manila matapos humupa ang mga baha. Kabilang sa mga nakuhang gamit, mga sofa at pinto ng refrigerator.

Sa ulat ni Joseph Morong sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nasala ang mga sofa at refrigerator mula sa iba’t ibang mga basura sa Tripa de Gallina Pumping Station sa Pasay.

Posibleng bumara at nakasira ang mga basura sa mga makina ng pumping station, na naglalabas ng tubig galing sa Pasay at iba pang bahagi ng Metro Manila papunta sa Manila Bay.

Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na nakakolekta na sila ng lampas 30 truck ng basura sa isang pumping station pa lamang sa nakaraang apat na araw.

Mayroong lampas 70 na mga pumping station ang MMDA, ngunit nahihirapan sa dami ng nakabarang basura.

Ang Batasan Station ng MRT-7 naman sa Commonwealth, Quezon City, binaha rin na posibleng dahil sa mga bagong itinayong istruktura.

Samu’t saring basura rin ang nahukay ng MMDA sa ilalim ng drainage system kabilang na ang mga pira-pirasong mga plywood.

Ayon sa MMDA, posibleng nababarahan ng ilang poste ng MRT ang drainage.

Sinabi naman ng SMC Infrastructure na aayusin nila ito.

Sa Roxas Boulevard naman, manual nang nagpapadala ang MMDA ng kanilang mga tao para bantayan ang mga drainage sa mga kalsada at magtanggal ng mga bumabarang basura para mas mabilis na humupa ang baha.

Sinabi ni Artes na imbes na ipakolekta sa mga waste management system ng mga LGU ang mga basura, mas pinipili ng ilang residente na itapon na lamang ang mga ito sa ilog. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News