Umabot na sa 32 ang mga nasawi matapos sumiklab ang mga pag-atake sa pagitan ng Thailand at Cambodia.

Sa ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing 19 ang naitalang patay sa Thailand, ayon sa kanilang health ministry.

Batay naman sa defense ministry ng Cambodia, limang sundalo at walong sibilyan ang nasawi. 

Huwebes nang mag-umpisa ang magkakasunod na pagsabog sa border ng dalawang bansa, dahil sa palitan ng pag-atake ng kanilang mga militar.

Sa isang video, makikitang napatakbo at nagtago ang ilang residente.

Sa isa pang video na inilabas ng militar ng Thailand, makikita namang hinulugan nila ng bomba ang isang military depot ng Cambodia mula sa kanilang drone.

Nasunog naman ang isang convenience store sa isang gasolinahan sa Sisaket province sa Thailand dahil sa pag-atake ng Cambodia.

Sa Surin province sa Thailand pa rin, wala na ang mga tao at mga sasakyan, at sarado na ang mga tindahan.

Samantala, dala-dala naman ng ilang residente ng Cambodia ang kanilang mga gamit para lumikas.

Inilahad ng Thailand na nagsimula ang tensyon matapos masugatan ang ilan nilang sundalo dahil sa mga landmine sa border na inilagay umano ng Cambodia.

Mariin itong itinanggi ng Cambodia, at sinabing Thailand ang nag-umpisa ng pag-atake.

Batay sa mga ulat, dekada na ang nakalipas nang magkahidwaan ang Thailand at Cambodia sa hangganan ng kanilang teritoryo kung saan naroon ang isang templo na ipinagkaloob sa Cambodia ng International Court of Justice.

Sumiklab ang tensyon nang subukan ng Cambodia na irehistro ito bilang isang UNESCO World Heritage Site.

Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Thailand ang mga Pilipinong malapit sa border na mag-ingat.

Hinihimok nilang iulat ang kanilang kinaroroonan sa Philippine Embassy at tutukan ang kanilang mga anunsyo.

Nauna nang inilahad ng Philippine Embassy sa Cambodia na iwasan ang mga lugar kung saan may tensyon.

Sinabi ng DFA na may mahigit na 7,000 Pilipino ang nasa Cambodia habang nasa 33,000 Pilipino ang nasa Thailand. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News