Naglabas ng saloobin si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. laban sa mga opisyal na pinagkakakitaan ang inilalaang bilyong-bilyong pisong pondo para solusyonan ang problema sa pagbaha sa bansa sa pamamagitan ng mga flood control projects. Pangako niya, papapanagutin niya ang mga sangkot sa katiwalian.

"Kamakailan lang, nag-inspeksyon ako sa naging epekto ng Habagat at bagyong Crising, Dante at Emong. Kitang-kita ko, maraming proyekto sa flood control mga palpak at 'yung iba, guni-guni lang," saad ni Marcos sa kaniyang talumpati sa ikaapat niyang State of the Nation Address nitong Lunes.

"'Wag na po tayong magkunwari, alam naman ng madla na nakakaraket sa mga proyekto. May kickback, initiative, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino," patuloy ng pangulo na umani ng malakas na palakpakan.

''Sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino,'' patuloy niya. ''Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa pagbaha. Mahiya naman kayo lalo na sa mga anak natin na magmamana ng utang nung ibinulsa niyo ang pera.''

Kasunod nito, inatasan ni Marcos ang Department of Public Works and Highways na isumite ang listahan ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon.

Susuriin umano ng isang regional monitoring committee ang mga proyekto para alamin kung ano na ang kalagayan ng mga ito, at kung totoo na may proyekto.

"We will publish this list so that the public can see it," giit ni Marcos. "At the same time, there will be an audit and performance review of these projects to check and make sure and to know how your money was spent."

"Sa mga susunod na buwan makakasuhan ang mga lalabas na maysala mula sa imbestigasyon pati na ang kasabwat na kontratista sa buong bansa. Kailangan malaman ng taumbayan and katotohanan, kailangan may managot sa matinding pinsala at katiwalian," patuloy ng Punong Ehekutibo.

Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, sinabing noong 2012, P352 bilyon ang inilaan para sa Metro Manila Flood Management Master Plan na inaasahang matapos sa 2035.

BASAHIN: Mga pagbaha sa bansa na palala nang palala, may lunas pa ba?

Inumpisahan ang proyekto mula noong 2017 sa tulong ng World Bank. Ngunit nitong nakaraang taon, inamin umano ng Department of Public Works and Highways, na 22 lamang sa 58, o mababa pa sa 30 porsyento ang natapos sa buong master plan kahit na mahigit isang dekada na ang nakalipas matapos simulan ang proyekto.

“Dito sa NCR, noong last year, 2024, meron kami 389 completed flood control projects na po.[Taong] 2025, meron din po kaming 62 projects completed na at ang iba diyan po ay ongoing pa po,” sabi ni Engineer Josel Bolivar, Division Chief ng DPWH - NCR.

“We have CCTVs all over Metro Manila na naka-monitor doon sa aming na-tap na na flood prone areas to check or to verify kung ano ‘yung sitwasyon talaga,” ayon naman kay MMDA Flood Control and Sewerage Management Director Mark Navarro.

Kada taon, tinatayang P200 bilyon hanggang P255 bilyon ang inilalaan para sa flood control programs, ayon sa KMJS.—Mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News