Timbog ang isang lalaking umano'y sangkot sa pangho-holdap matapos niyang makaengkuwentro ang mga awtoridad sa bahagi ng Binondo, Maynila.

Sa ulat ni Manny Vargas sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing batay sa impormasyon, hinoldap ng mga suspek bandang 12 a.m. ang biktima, na naglalakad sa may Binondo.

Pagkatakas ng mga suspek, dito na humingi ng tulong ang biktima sa mga nakamotorsiklong pulis, na nagsagawa ng follow-up operation at humantong sa insidente.

Nakaengkuwentro ng suspek na si alyas "Edward" ang pulisya, at nagtamo ng tama ng bala sa hita, kaya siya hindi nakatakas.

Nakumpiskahan din siya ng .38 na baril na may apat na bala at isang basyo.

Samantala, pinaghahanap ang kasabwat ng suspek na si alyas "Rommel," na sakay ng motorsiklo tangay ang bag na naglalaman ng P3,500 at cellphone ng nabiktimang lalaki. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News