Ikinamangha ng mga residente sa Napindan, Taguig ang namataan nilang isdang alligator gar, na mala-buwaya ang hitsura dahil sa talas ng mga ngipin, pahabang katawan, at malapad na nguso na taglay nito.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” sinabing isang uri ng monster fish ang alligator gar, na inaalagaan ng mga monster fish keeper sa bansa.
Nangingisda noon si Melvin Cruz sa ilog nang mahuli niya ang higanteng isda.
“Natakot nga po ako noon. Akala ko po kasi buwaya at napaahon pa po ako,” sabi ni Cruz.
“Dahil bago 'yung itsura nito, parang mga nakiusyoso na para matignan kung ano nga bang klaseng isda ‘yan. Kasi medyo unusual siya na parang mahabang katawan tapos parang alligator 'yung kaniyang nguso,” sabi ni Gerome San Pedro, kapitan ng Napindan, Taguig.
Lumalaki ang alligator gar ng habang hanggang 10 talampakan, at kayang tumimbang ng hanggang 300 pounds.
“Bakit siya tinawag na alligator gar, hindi naman siya alligator? Kasi 'yung kaniyang nguso ay parang alligator,” sabi ng zoo and wildlife veterinarian na si Dr. Romulo Bernardo.
“Ang natural prey nila, 'yung kinakain nila, ay mga isda at hindi sila lumalaban o lumalapit sa tao. Nakawala ‘yan, dating alaga, nagkaroon ng baha, um-overflow ang pond, maaaring nakakawala siya,” dagdag ni Dr. Bernardo.
Ayon kay Cruz, hindi rin tumagal ang buhay ng nahuling alligator gar matapos maiahon sa ilog.
“Naglabas na kami ng announcement, lalo dito sa mga mangingisda namin na kailangan ng doble-ingat pagdating sa ilog, sa pamimingwit, sa pangingisda, sa paglalambat,” sabi ni San Pedro.
Si Herbert Bebanco naman, nag-aalaga ng 25-anyos nang alligator gar na si Ali.
“Parang rare siya na species ng isda. Parang pumunta doon 'yung interest ni tatay. Nakakawala ng stress, nakakawala ng problema habang pinapanood, pinapakain,” sabi ni Bebanco.
Inaalagaan ni Bebenco ang kaniyang monster fish pet sa isang pondarium, at gumagastos ng P500 sa isang linggo para sa pagkain ng kaniyang alligator gar.
“Nagbibigay po siya ng suwerte. Sa totoo lang po, sa tagal ng panahon na nandiyan po siya, nakita namin, naging successful po 'yung mga kapatid ko, sila nanay. Nakatapos po, nakarating sa ibang bansa 'yung mga kapatid ko,” ani Bebanco.
Nagbabala naman si Dr. Bernardo na kung may mamataang alligator gar, iulat ito sa BFAR o DENR. —VBL GMA Integrated News
