Inamin ni AGAP Partylist Representative Nicanor Briones na siya ang mambabatas na nahuli-cam na nanonood ng sabong sa kaniyang cellphone habang dumadalo sa sesyon ng Kamara de Representantes noong Lunes. Pero paglilinaw niya, hindi e-sabong na may sugal ang kaniyang pinapanood.
"Malinis ang konsensiya ko. Hindi naman ako nagsasabong. Ako, hindi mo ako makikita sa kahit sa sabungan. At fake news. Online sabong sinasabi. Ni wala akong G-Cash. Ni wala akong money transfer na online," sabi ni Briones sa mga mamamahayag.
Paliwanag ni Briones, ipinadala sa kaniya ng kamag-anak ang video na nag-iimbita sa kaniya na mag- sponsor ng isang derby o laban ng mga manok.
Dahil sa pagkalat ng naturang video, hindi na raw niya tinanggap ang imbitasyon, at maghahain ng panukalang batas para sa total ban ng online gambling.
"Hindi totoo. Kaya nga ako fake news eh. Eh kaya ako humarap sa inyo, ayokong madamay ang Kongreso. Dahil para bang pinalabas nila, wala akong ginagawa, kundi ang haba ng botohan [sa plenaryo]. Meron lang nag-message sa akin, yung pamangkin ko na gustong mag-invite ng traditional na sabong na gusto ako lumaban," ani Briones.
"Hindi rin naman ako interesado, hindi rin naman ako nagsasabong. So siguro ako, andun na ako rito. May gustong sumabotahe sa atin dahil tayo maraming nakakabangga. Ang aking number one nilalabanan, mga smuggler," dagdag niya.
Humingi ng paumanhin si Briones sa Kamara at sa publiko dahil sa nangyari.
Pinapatawad din niya ang kumuha ng video na nakita siyang nanonood ng sabong at ikinalat nang wala siyang pahintulot. Paglabag umano iyon sa Data Privacy Act.
"Nagso-sorry ako dahil doon sa pagkakasagot ko doon sa messenger ay nadadamay ang institusyon kahit sa publiko, kahit sa institusyon dito sa Kongreso na nadadamay," ani Briones.
"Kung sinuman ang gumawa sa akin noon, sinong nag-video, gumawa ng fake news na ako'y nanonood o nag-o-online sabong, hindi ko alam ang iyong motibo. Pero tapos na ito. Pinaliwanag ko lang 'yung parte ko. Kung anuman ang motibo mo, pinatatawad na kita. Ang akin lang, 'wag mo na uulitin kasi baka sa susunod, makulong ka na," dagdag ng kongresista. – mula sa ulat ni Tina Panganiban-Perez/FRJ GMA Integrated News
