Bagaman nakakuha ng DNA profiles mula sa tatlong bangkay na nahukay sa isang sementeryo sa Laurel, Batangas, lumitaw na hindi naman ito tugma sa 23 na DNA samples na ibinigay ng ilan sa mga kaanak ng nawawalang mga sabungero, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, na dalawa sa nahukay na mga kalansay ay lalaki, at isa ang babae.
"'Yung tatlong cadaver na na-recover sa sementeryo sa Batangas, tatlong DNA profiles po ang nakuha po doon. Dalawa, lalaki po, at isang babae po," ani Fajardo.
Kalagitnaan nitong Hulyo nang mahukay ang mga bangkay na ayon sa sepulturero ay inilibing niya tatlong taon na ang nakararaan dahil wala itong pagkakakilanlan at naagnas na.
Hinihinalang biktima ng biktima ng salvage ang mga inilibing niya dahil na rin sa may mga tama ito ng bala ng baril.
Ayon kay Fajardo, hindi nag-match ang DNA samples ng tatlong bangkay sa 23 samples na mula sa pamilya ng nawawalang mga sabungero.
Kaya nanawagan ang opisyal sa iba pang kaanak ng mga nawawalang sabungero na magbigay sa kanilang DNA samples para maikumpara sa nakuhang DNA mula sa tatlong bangkay.
"Gusto ko rin po kunin ang pagkakataon na ito baka mayroon pa po dyan na makakapanood po nito na may mga kaanak doon sa mga missing sabungeros," ayon kay Fajardo.
"Sinasabi naman po natin 'yung condition and status na mga nakuha po nating suot ng mga posibleng mga biktima, kung makikita po nila 'yan they can immediately coordinate with us para madala po natin sila sa forensic group at makuha ng DNA," dagdag niya.
Sinabi rin ni Fajardo na walang DNA profiles na nakuha mula sa mga buto na naiahon mula sa Taal Lake dahil na rin sa tagal ng pagkakababad sa tubig at kontaminasyon.
Nawala ang nasa 34 na sabungero mula noong 2021 hanggang 2022.
Pero sa whistleblower na si Julie "Dondon" Patidongan, aabot sa 100 ang mga pinatay na sabungero na itinapon ang mga bangkay sa Taal Lake. — Mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

