Nakilala na ang dalawa sa 10 nabubulok na bangkay na nakitang nakatambak sa ipinasarang punerarya sa Maynila na ilegal umano ang operasyon. Ang ilan sa bangkay, hindi na makuha ng kanilang mga pamilya dahil sa sobrang laki umano ng singil nito na umaabot sa mahigit P100,000.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, napag-alaman na isa sa bangkay na inabutang nakatambak sa Body and Light Funeral Service, ay katawan ni Rennan Pornobi, na pinaslang sa Ermita noong Abril.

Naiburol pa si Pornobi sa kanilang lugar pero kinuha muli ng punerarya ang bangkay nang hindi raw makapagbayad ng balanse sa serbisyo ang pamilya.

“Yung anak pumunta, sabi sa akin kulang pa po ng P30,000. Nung babayaran nila mayroon pa daw utang…ang sabi parang P30,000 plus pa daw kasi parang aabutin ng P85,000,” ayon kay Nestor Malabag, chairman ng Barangay 659 sa Ermita.

“Ibinalik daw ang patay kasi nabasag yung salamin…[pero] hindi na na-release,” dagdag niya.

Isa pa sa mga bangkay na natengga sa punerarya ang katawan ni Leah Tongol, na biktima rin ng krimen sa Malate noong Abril.

Hindi na nailabas ng kaniyang pamilya ang kaniyang bangkay dahil sa hinihinging P150,000 umano ng punerarya.

Ang nakuhang mga bangkay sa punerarya, nasa pangangalaga na ng Manila North Cemetery.

Ang bangkay ni Tongol, nai-cremate na ibinigay sa kaniyang pamilya. Nailibing na rin ang katawan ni Pornobi.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung sino ang walo pang bangkay na nakuha mula sa punerarya.

“Kung meron kayong labi na naiwan sa Body and Light makipag-ugnayan lang po dito sa opisina ng Manila North Cemetery para naman ang mahal nyo sa buhay ay mabigyan natin nang maayos na pagbuburulan at paglilibingan,” ayon kay Daniel Tan, na namamahala sa North Cemetery.

Inakala naman na matutukoy ang isa pa sa mga bangkay nang may pamilya na nagtungo sa tanggapan ni Tan para hanapin ang katawan ng kanilang mahal sa buhay na hindi rin nila makuha sa nasabing punerarya dahil sa sinisingil sa kanila na P180,000.

“They were charging us P180,000 in order to release the body. They were in contact with us all the way from yesterday morning til today Thursday morning trying to charge us P180,000. We’re telling them we cannot afford that amount,” ayon sa isang kaanak.

Pero wala ang kanilang patay sa walong bangkay kaya lumilitaw na may bangkay pa na hawak ng ipinasarang punerarya.

Nakipag-ugnayan ang Manila North Cemetery sa may-ari ng Body and Light na nangakong ibibigay ang bangkay na hinahanap ng pamilya.

Ikinagulat naman ng pamilya nang malaman nila na naagnas ang bangkay na kanilang hinahanap taliwas sa sinasabi sa kanila na naembalsamo na ito.

“Decomposed siya di gaya ng claim nila na inembalsamo nang maayos. I can only assume kung siya nga po yun,” ayon sa kaanak.

Ipinasara ng Manila Sanitary Department nitong Miyerkoles ang Body and Light matapos na mabisto ang mga nakatambak na bangkay. Wala rin itong sanitary permit at office permit.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng panig ang punerarya. —FRJ GMA Integrated News