Namataan ang dalawang bangkay na nagpapalutang-lutang sa Marikina River. Patuloy ang pag-alam ng mga awtoridad kung may kaugnayan ito sa mga nakaraang bagyo.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing isa sa mga bangkay ang natagpuang nakadapa sa nasabing ilog nitong Huwebes.
Sinabi ng mga awtoridad na isang grupo ng mga mangingisda ang unang nakapansin sa bangkay ng isang lalaki.
Nagtulungan ang mga tauhan ng Marikina Rescue 161 at River Parks Development Office na iahon ang bangkay.
Walang nakitang sugat sa katawan ng lalaki ang mga awtoridad.
“Isa siyang lalaki. Wala siyang pantaas, naka-short na short pants ng black. Then short hair, medium built, 32-35 years old and approximately 5'4 ang height. Walang nakitang injuries na external sa katawan so probability na nalunod siya,” sabi ni Police Colonel Geoffrey Fernandez, hepe ng Marikina Police.
Bago nito, isang bangkay din ang natagpuan Miyerkoles ng hapon sa Marikina River.
May pagdurugo naman ito sa mukha, nakasuot ng shorts at wala ring suot pang-itaas, at may tattoo sa likuran.
Batay sa pulisya, walang nag-ulat sa kanila tungkol sa mga nawawalang residente.
"Baka galing sila sa ibang lugar at naanod. Nananawagan kami na kung sino man ay may kamag-anak na ganoon ang description, maaaring tingnan nila," sabi ni Fernandez.
Kumuha na ng DNA sample ang pulisya sa mga natagpuang bangkay upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
