Posibleng umabot sa mahigit P1 per liter ang itataas sa presyo ng gasolina at diesel sa susunod na Linggo.
“Based on the four-day trading, we are expecting an increase in the prices of petroleum products by next week,” ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero ngayong Biyernes.
Ang tinatayang patong sa mga produktong petrolyo ay:
Gasolina – nasa P1.50 per liter
Diesel – nasa P1.00 per liter
Kerosene – nasa P0.80 per liter
Ayon sa opisyal, ang inaasahang taas-presyo sa mga produktong petrolyo ay dulot ng mga pandaigdigang usapin gaya ng muling pangamba tungkol sa pagkaantala ng suplay matapos ipataw ni US President Donald Trump ang mga parusa o sanction sa langis mula sa Russia at Iran.
Kasama rin ang pag-asa na bubuti ang aktibidad ng ekonomiya matapos ang kasunduang pangkalakalan ng US at EU.
Inaanunsyo ng local fuel retailers ang price adjustments tuwing Lunes at ipinatutupad sa susunod na araw ng Martes.
Nitong nakaraang Martes, P0.10 per liter ang itinaas sa presyo ng gasolina, P0.60 per liter sa diesel at P0.40 per liter sa kerosene. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News

