Inaprubahan ng Department of Education (DepEd) na dagdagan ng P6,000 ang taunang salary subsidy na ibinibigay sa mga private school teacher na saklaw ng education assistance program ng pamahalaan.
Simula sa School Year 2025–2026, makakatanggap na ang mga kuwalipikadong guro sa pribadong paaralan ng P24,000 taun-taon sa ilalim ng Teachers’ Salary Subsidy (TSS) ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) program—mas mataas mula sa kasalukuyang P18,000.
Inaprubahan ang dagdag na benepisyo sa pamamagitan ng ad referendum ng State Assistance Council, ang ahensiyang nangangasiwa sa mga patakaran ng GASTPE.
Pormal na inanunsyo ni Education Secretary Sonny Angara ang pagtaas ng subsidyo sa isang ceremonial signing event nitong Huwebes, at binigyang-diin niya ang pagkilala ng pamahalaan sa mga pribadong guro bilang mahalagang katuwang sa sektor ng edukasyon.
“Sa mga tumutok sa ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., malinaw na nakita natin—nasa rurok ng kaniyang mga prayoridad ang edukasyon,” ayon kay Angara.
“And we have always stood by the principle that education is a collective mission,” dagdag niya.
Ayon kay Angara, bagama’t may malaking agwat pa rin sa kondisyon ng trabaho at suweldo ng mga guro sa pampubliko at pribadong paaralan, ang pagtaas ng subsidy ay isang makabuluhang hakbang para mabasan ang naturang agwat.
Itinatag ang GASTPE program sa bisa ng Republic Act No. 8545 o ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act. Kilala ito sa Education Service Contracting (ESC) scheme na tumutulong sa matrikula ng mga junior high school students sa mga pribadong paaralan, ngunit nagbibigay din ito ng salary support sa mga gurong nagtuturo sa mga benepisyaryo ng ESC.
Para maging kuwalipikado sa TSS, dapat na licensed, employed full-time sa participating private school, at nagtuturo ng ESC classes nang hindi bababa sa tatlong oras kada linggo ang guro.
Ayon sa DepEd, isinama na ang dagdag na subsidy sa panukalang budget nito para sa taong 2026. — mula sa ulat ni Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News

