Nakilala na ang walo pang bangkay na nakitang nakatambak sa isang punerarya sa Maynila na ipinasara dahil sa wala umanong kaukulang mga permit. Kabilang sa mga bangkay ang isang Hapon na namatay noong pang Agosto 2024, habang mga palaboy naman na namatay sa bangketa ang karamihan.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nakilala ang mga bangkay sa pamamagitan ng “spot report” na inilabas ng Manila Police District’s Homicide Division.
Kinilalang ng mga awtoridad ang bangkay ng Hapon na si Akihito Nishizuka, 49-anyos.
Nakita umanong patay si Akihito sa loob ng isang condominium unit sa Malate noong August 2024. Pero wala umanong kamag-anak na kumuha sa bangkay nito.
Mga walang tirahan at namatay sa lansangan ang iba pang bangkay tulad ni Alyas “Tata,” na binaril sa hindi malamang dahilan noong June 21.
Sa bangketa rin nakita ang bangkay ng alyas “Ramil,” na nasa edad 50’s, sa Ermita Avenue noong May 11.
Nakita namang lumulutang sa dagat sa South Harbor noong July 10 ang bangkay ng isang babae na tinatayang edad 13 hanggang 15.
Mga pinaniniwalang senior citizens ang tatlo pang bangkay na namatay din umano sa kalye.
Nitong Huwebes, iniulat ng hindi makuha sa Body and Light Funeral Services ng ilang pamilya ang bangkay ng kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay dahil sa taas ng singil na umaabot ang iba sa mahigit P100,000.
Nasa pangangalaga ng Manila North Cemetery ang mga bangkay, at maghihintay sila ng isang linggo kung mayroong pamilya na kukuha sa mga labi bago nila ilibing.
May ilang pamilya na nagtungo sa sementeryo para alamin kung nandoon ang kanilang pumanaw na kaanak na hindi rin nila mailabas sa punerarya dahil umano sa balanse o utang pa sa Body and Light Funeral Services.
“Pinapunta ko na po sa Manila City Hall, sabi ko doon na lang mag-blotter. Ni-refer ko na sa City Legal yung mga problema,” ayon kay Manila North Cemetery director Daniel Tan.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang Body and Light Funeral Services.
Samantala, ipinaalam naman ng Department of Social Welfare and Development na mayroon silang wake and burial assistance para sa mga namatayan na kapos sa buhay na aabot ng hanggang P50,000.
“Ang pinapa-submit natin yung funeral contract, of course yung death certificate, valid ID, mayroon ding certification from the hospital, and ini-interview kasi ‘yan ng ating mga social workers,” ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao.
Ayon sa ulat, mayroong 700 DSWD accredited funeral parlor sa buong bansa na katuwang ng ahensiya sa pagbibigay ng libreng libing. Pero maaari umanong makansela ang akreditasyon ng mga ito kapag nakatanggap sila ng sumbong na hindi maayos ang kanilang serbisyo.—FRJ GMA Integrated News
