Nabawi na ng kaniyang kasintahan ang mga labi ng isang Hapon na kasama sa mga nakatambak na bangkay sa isang ilegal na punerarya sa Maynila. Ang nobya, hindi umano nakuha agad ang bangkay dahil naniningil ang punerarya ng halos P500,000.
“Galit po na na nalulungkot na masaya kasi po maililibing na siya, mapapayapa na po 'yung kaluluwa niya,” sabi ni “Lyn,” hindi niya tunay na pangalan, nobya ng Hapon na si Akihito Nishizuka sa ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.
Isa ang bangkay ni Akihito na inipit ng Body and Light Funeral Services na sinalakay ng Manila Health Department noong Miyerkoles dahil sa ilegal nitong operasyon.
Agosto 29, 2024 nang makitang patay si Akihito sa kaniyang condo unit sa Malate, Maynila. Walang pamilya na nasa Pilipinas ang dayuhan.
Binigyan si Lyn ng authorization ng Japanese Embassy na kunin ang bangkay ni Akihito, ngunit ayaw pa rin umanong ibigay ng punerarya ang bangkay.
Hiningian si Lyn ng punerarya ng kabayarang P326,000, bukod pa sa dagdag na P90,000 kapag nagpa-cremate sila.
Mayroon lamang P100,000 si Lyn, kaya hindi ibinigay sa kaniya ang labi ng nobyo.
“Iyon po ang tiniis ko. Ipinagdadasal ko na lang na, ang alam ko po talaga is nakalibing na siya nang maayos. ‘Yun po kasi sabi sa akin sa embassy na ililibing daw po,” sabi ni Lyn.
Makaraan ang halos isang taon, buong akala ni Lyn na nakalibing na si Akihito. Kaya laking gulat niya matapos mapanood sa eksklusibong report ng GMA Integrated News na isa ang bangkay ni Akihito sa mga narekober ng Manila LGU sa Body and Light Services.
“Sobrang nagulat din po ako kaya ngayong araw na ito, hindi pa nagbubukas 'yung North Cemetery, I mean 'yung office, andu’n na po ako kasi hinihintay ko nga po na mag-open. Kasi magbabakasakali po ako,” sabi ni Lyn.
Nagpaabot ng tulong ang Manila LGU na maiproseso ni Lyn ang pagkuha sa bangkay ni Akihito at ang pagpapa-cremate sa labi nito.
Patuloy na iniimbestigahan ang Body and Life Funeral Services para maiayos ang isasampang reklamo sa kanila, dahil bukod sa ilegal umanong operasyon, mahal pa ito kung sumingil.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno na tila holdap ang ginagawa ng punerarya.
“Sa totoo lang, 'yung presyo nila wala nang katarungan. And withholding it, that added insult to the injury. Those who are existing which marami sa Maynila, may ganitong pang-aabuso or parang blackmail kasi ito eh. Parang hold up ito eh. Kung sa tingin niyong hindi makatwiran, huwag ho kayong mahihiya, mag-aalangan na lumapit. We'll extend assistance to you,” sabi ni Moreno.
Tumawag at nag-text ang GMA Integrated News sa pamunuan ng punerarya para sa kanilang panig ngunit wala pa silang tugon.
Sa kasalukuyan, tatlo pa lang sa 10 na mga katawan ang nakukuha ng kani-kanilang mga mahal sa buhay. Nasa pangangalaga pa ng LGU ang pitong iba pa.
Pagkakalooban ng lokal na pamahalaan ng hanggang isang linggo ang mga kaanak para ma-claim ang mga labi. Kung wala pa rin, ipalilibing na nila ang mga ito sa Manila North Cemetery.
Magpapaabot din ng burial assistance ang Manila LGU para sa mga mga nangangailangan nito. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
