Sa isang privilege speech nitong Martes, sinabi ni Senadora Risa Hontiveros na inilagak ng Government Service Insurance System (GSIS) bilang investment ang P1 bilyon na halaga ng kontribusyon ng mga miyembro nito sa isang online gambling platform.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Hontiveros na nangyari ito sa ilalim ng liderato ng suspendidong GSIS President na si Jose Arnulfo “Wick” Veloso. Bumili umano ang GSIS ng mga sapi o shares ng DigiPlus sa panahon na mataas ang halaga nito na umaabot ng P65.30.
“Those shares have since hit a low of P13.68. Lugi na,” ayon kay Hontiveros.
“In the first place, what was GSIS thinking, investing funds in online gambling? Eh, tayo nga po, mga kasamang nagtatrabaho sa gobyerno, ni hindi puwedeng tumungtong sa casino lalo na hindi puwedeng magsugal doon. Kaya bakit ang GSIS, todo taya, at ginawang puhunan ang pera ng public employees sa sugalan,” dagdag niya.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nagsara ngayong araw ang stock price ng DigiPlus sa halagang P24.50 bawat sapi.
Ayon pa sa senadora, tila mayroon umanong “pattern of reckless and questionable investment decisions” ang kasalukuyang liderato ng GSIS.
“The guardrails we have put in place to guide and protect GSIS investments are seemingly being breached,” ayon pa kay Hontiveros.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuhanan ng panig ang GSIS at si Veloso.
Kaugnay ng talumpati ni Hontiveros, sinabi ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Games and Amusement, na iimbestigahan niya ang isiniwalat ng senadora.
“Kaisa niyo po ako Senadora Risa hinggil po dito at nais ko po talagang maimbestigahan ito. At kung may pagkakataon po, maghahain po ako ng panukalang batas na kailangan imbestigahan po ito at makasuhan po si Ginoong Veloso,” ani Tulfo.
“Ito po ay aking paiimbestigahan kung may kumita, mukhang may kumita po rito, mayroon pong commission o kickback at hindi po ito karapat-dapat at katanggap-tanggap,” dagdag niya.
Nitong nakaraang July nang patawan ng suspensiyon ng anim na buwan ng Office of the Ombudsman si Veloso at anim pang opisyal habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pinasok nitong P1.4 billion deal sa Alternergy.
Ayon sa Ombudsman, may nakitang sapat na basehan para suspendihin si Veloso at anim pang opisyal ng GSIS, "considering that there is strong evidence showing their guilt” sa posibleng grave misconduct, gross neglect of duty, at violation of reasonable office rules and regulations dahil sa pagbili sa stock mula sa AlterEnergy Holdings Corporation na nakakahalaga ng P1.4 bilyon.
Sinabi naman ni Veloso, na makikipagtulungan ito sa ginagawang imbestigasyon ng Ombudsman sa ginawang investment ng GSIS sa Alternergy.
“We welcome this opportunity to affirm the integrity of GSIS’s investment decisions and will provide further updates once the process concludes. As the investigation is ongoing, we will refrain from additional comments at this time,” anang opisyal.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Hontiveros na may “multiple red flags” sa kasunduan ng GSIS at Alternergy.
“Glaringly, Alternergy's market capitalization was far below the P15 billion minimum reportedly required under GSIS policy for investible companies. The shares were not even listed with the Philippine Stock Exchange on the dates of the execution of the agreement and the payment of the subscription,” anang senadora.
“Even worse, Alternergy also appears to be ‘highly overleveraged.’ Simply put, they have too much debt, with a debt-to-equity ratio of 194% and a dangerously low interest coverage rate. Paano nakapagdeklara ng P40 million cash dividend ang kompanya na iyan, eh puro sila utang, at in financial distress na?,” tanong pa niya.
Dahil dito, sinabi ni Hontiveros na dapat kumilos ang Senado para masuri ang “policies, procedures, and guidelines” ng GSIS sa desisyon nito sa paglalagak ng pera ng mga miyembro bilang puhunan sa pinapasok na mga negosyo.
“We should strengthen GSIS’s investment policy compliance and oversight. We should increase transparency and accountability in their investments. And we should plug policy gaps and clarify ambiguities,” giit niya.
“Ang pensyon ng pampublikong sektor, hindi pangsugal. GSIS should not waste or gamble away the future of those who serve our nation,” dagdag pa ng senadora. – mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News
