Isang mag-asawang senior citizen ang nadukutan ng kakakuha lang nilang P6,000 na pensyon ng isang babaeng nagpanggap na nag-aalok ng ayuda sa Barangay Commonwealth, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV na kausap ng mag-asawang senior citizen ang babae sa labas ng isang printing shop.
Ang babae, mistulang nagpapaliwanag kung ano ang dapat isulat ng mga senior citizen sa papel.
Abala sa pagsusulat ang mag-asawa nang may kunin na ang babae mula sa eco-bag na bitbit ng babaeng senior citizen.
Mabilis itong ipinasok ng babae sa kaniyang damit bago umalis sa lugar. Tinangay na pala niya ang wallet na may lamang P6,000 na pensyon ng senior citizen.
Sinabi ng 71 taong gulang na biktima na pauwi na sila ng kaniyang asawa matapos kunin ang pensyon nang lumapit sa kanila ang babae at pinangakuan sila ng ayuda.
“Bigla lang siyang lumapit, kag sumabi nga hindi na kayo magbili ng bigas, kaya may gapamigay nga kongresista ng bigas, taglimang kilo. E ‘di malaki na ‘yun, kaya dalawa kami ni mister. Tapos hindi ko namalayan, ginpasulat niya ako ng address, kag pangalan ko sa maliit lang na papel. Tapos ginkuha ko dito sa bag ko ang wallet ko, kag ang ID. Kaya ipa-xerox ko ang ID para ibigay niya lang dito, sila lang ko magbigay. Pero hindi ko pala namalayan na dinukot na pala ‘yung wallet ko,” sabi ng babaeng senior citizen.
Malaki ang panghihinayang ng mag-asawa matapos na anim na buwan nilang hintayin ang pensyon.
“Doon nakasalalay ang aming pamumuhay at sakit ng pamilya ko. Misis may sakit, tapos ‘yung anak ko rin dina-dialysis. Kahit ipamasahe niya lang magpunta sa hospital, magpa-check up, ay wala nang magamit,” sabi naman ng lalaking senior citizen.
“Sana pagsisihan mo ‘yung ginawa mo. Wala ka talagang puso na ganiyan talaga ang ginagawa mo sa kapwa mo,” mensahe ng lalaking senior citizen sa babaeng mandurukot.
Naiulat na ang insidente sa Barangay Commonwealth. Ayon sa mga taga-barangay, may isa pang babaeng senior citizen na nabiktima ng kagayang modus sa araw ding iyon.
Halagang P6,000 din na pensyon ang natangay ng babaeng suspek.
“Hindi niya namamalayan ‘yung kaniyang bag, e nadukot na pala po. So maya-maya ang sabi, balikan daw po siya kasi kukunin na daw po 'yung ayuda, may pinirmahan siya. And then naghintay siya nang matagal, namalayan niya na lang po wala na po 'yung kaniyang pitaka roon sa bag,” sabi ni Kagawad Elmer Buena ng Barangay Commonwealth.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na posibleng dumarayo lang sa lugar. Nagpaalala rin sila sa mga senior citizen para hindi mabiktima ng ganitong modus.
“Huwag po tayong maniwala basta-basta sa mga taong lumalapit po sa atin, mapababae man o mapalalaki, na sila po ay ‘di umano ay nagmamalasakit,” sabi pa ni Buena. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
