Nagsisigaw, umiyak at nagwala ang isang 16-anyos na binatilyo matapos siyang pahithitin umano ng sigarilyong “tuklaw” sa Barangay Central Signal, Taguig City. Ang dalawang lalaking nagpahithit sa biktima, pinaghahanap.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing dinala sa ospital ang binatilyo matapos ang kakaiba niyang ikinilos.

“Tinanong ko 'yung bata, sabi niya, ‘Sir may lumapit po sa amin, nakamotor, dalawa. Tapos tinanong 'yung kasama ko kung puwede magbomba. ‘Pag pumayag 'yung isang nagbomba, pagbomba niya, nag-hits siya. Pag hits, alis agad 'yung lalaki na nagpa-hit sa kanila. After 5 minutes po, ‘yun, nangisay-ngisay na, bumagsak na po sa sahig,” sabi ni Alvin Detablan ng Taguig Central Signal City Epidemiology and Disease Surveillance Unit.

Kinumpirma ng Taguig City Police na may nagpahithit ng sigarilyong tuklaw sa biktima.

Mapanonood sa CCTV ng Barangay Central Signal, ang dalawang lalaking suspek sakay ng motorsiklo.

“Nakita natin doon na meron ngang dalawang lalaki na um-approach dito sa biktima natin. Casual lang silang nag-uusap. Parang pinapa-ano siya ng sigarilyo, which is sabi ng tuklaw. Tsaka umalis ‘yung dalawang unidentified natin,” sabi ni Police Major Jefferson Sinfuego, Commander ng Taguig Police Sub Station 6.

Posibleng dumayo lang umano sa lugar ang mga suspek, ayon sa pulisya.

Tumangging humarap sa camera ang binatilyo, na isang grade 11 student, na sinabing hindi niya kakilala ang dalawang lalaking lumapit sa kaniya, kundi pinilit lang siyang humithit ng sinasabing tuklaw.

Ayon sa kaniya, wala siyang nagawa kundi sundin ang dalawang lalaki dahil sa takot na baka saktan siya.

Nanawagan naman ng hustisya ng mga magulang ng biktima na residente ng Barangay Hagonoy, habang pinaigting ang curfew sa lugar matapos ang insidente.

“Nakita naman natin na hindi maganda talaga ‘yung reaksyon. Hindi pa natin alam kung ano ‘yung after-effects sa kabataan, kaya alarming ito para sa amin. Itong tuklaw na sinasabi nila is napaka-dangerous sa katawan natin kasi mataas ‘yung nicotine na inilalabas nito,” sabi ni Detablan.

Mataas ang nicotine

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mas mataas ang nicotine concentration ng tuklaw kumpara sa regular na sigarilyo. Gayunman, hindi raw iyon sapat para mangisaw ang hihithit.

“Posibleng mga cannabis, shabu, cocaine, they also have hallucinogenic effects po…Depende sa katawan ng tao, ayun yung magiging epekto sa katawan ng tao, there will be seizure, there will be hallucinations,” ayon kay PDEA spokesperson Joseph Calulot.

Hinihintay pa umano ng PDEA ang resulta ng laboratory tests na isinagawa mula sa samples ng sigarilyo na hinithit ng ilang kabataan na naunang nabiktima ng tuklaw.

Sinabi ng PDEA na ang tuklaw o tinatawag din na “black cigarette” ay nagmula sa Northern Vietnam na kilala bilang “thuoc lao." Mas matapang umano ito kumpara sa normal tobacco cigarettes.

“That’s 9% yung nikotina niya as compared to regular cigarettes na around 1% to 3% nicotine lang. Doon mo makikita na mataas talaga ang concentration ng nicotine sa tuklaw cigarettes," saad ni Calulot.

"Bakit mataas? Because of the plant na ginamit diyan, yung nicotiana rustica as compared to nicotiana tabacum na ayan yung ginagamit for ordinary cigarettes,” dagdag niya.

Patuloy umano ang isinasagawang imbestigasyon ng PDEA sa naturang kaso. Inaalam din nila ang tungkol sa kalakalan ng tuklaw sa internet.

“Kailangan pa ng mas masusing imbestigasyon diyan kasi maaring naging adventurous lang itong mga ito. There could be a possibility na may nais mag-smuggle ng prohibited items sa bansa,” sabi ni Calulot. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News