Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pansamantalang itigil ang pag-angkat ng mga bigas sa loob ng 60 araw simula sa September 1, 2025.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez, ang naturang hakbang ay para protektahan ang mga lokal na magsasaka na iniinda ang mababang presyo ng palay sa panahon ngayon ng anihan.

Inihayag naman ng Department of Agriculture (DA) na sakop lang ng import ban ang well-milled at regular milled rice varieties. Hindi kasama sa kautusan ang Fragrant o basmati rice varieties.

Inihayag ni Marcos ang direktiba matapos konsultahin ang mga kasapi ng Gabinete na kasama niya sa five-day state visit sa India, at matapos ang rekomendasyon ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Una rito, inirekomenda ng DA na itaas ang taripa sa imported rice dahil sa pagbaba ng presyo ng palay sa harap ng record-high production.

Ayon kay Gomez, naniniwala si Marcos na hindi pa panahon para pag-usapan muli ang taripa sa imported rice.

"We will still see if we need to resort to that. Right now the decision is to suspend all rice importation for 60 days beginning Sept. 1. 'Yan po ang utos ng ating mahal na Pangulo para matulungan ang ating mga magsasaka ng bigas,'' paliwanag ni Gomez ngayong Miyerkoles.

Sa isang pahayag, tinawag ni Tiu Laurel na “measured response” ang hakbang ng pangulo na suspendihin muna ang pag-angkat ng bigas.

“The suspension is a more calibrated action—one that we can quickly reverse if needed,” anang kalihim. “It gives us the flexibility to act fast to protect both our farmers and our consumers. A premature tariff hike, on the other hand, could backfire and would take much longer to undo.”

Dagdag pa niya, “We are walking a tightrope here. The stakes are high for both our farmers and the Filipino people, so it’s crucial that we strike the right balance.” — mula sa ulat nina Anna Felicia Bajo/ Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News