Isang 41-anyos na lalaki na naghahanda ng lulutuing pambentang almusal ang nalapnos ang buong katawan matapos siyang masabugan ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Pandacan, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, tila payapa pa ang paligid sa bahagi ng Acacia Street sa Barangay 871 pasado 5 a.m. ng Miyerkules.

Ilang sandali lamang ang lumipas, nagliyab ang bahagi ng kalye. Isang tao ang makikitang tumatakbo habang nasusunog ang kaniyang katawan.

Agad namang sinubukan ng mga residente na apulahin ang apoy gamit ang fire extinguisher ng barangay.

Mabilis na pinuntahan at ginising ng biktima ang dalawa niyang anak. Kumuha siya ng kumot para basain ito, takpan ang kalan at maitawid ang mga bata, ayon kay Barangay 871 Kagawad Peter Asirit.

Pagkalabas ng bahay ng kaniyang mga anak, eksaktong nabagsakan ng nasusunog na lona ang katawan ng biktima kaya nadagdagan pa ang lapnos sa kaniyang balat.

Agad isinakay sa mobil ng barangay ang biktima patungo sa isang ospital. Pero ayon sa anak ng biktima, hindi agad tinanggap sa pagamutan ang kaniyang ama.

"Bakit niyo po hindi tinanggap kung kailan critical na po? Nakita niyo naman po 'yung kalagayan ng tatay ko noon. Sobrang putla na noon. Ba't di nyo tinanggap? Di niyo man lang po bingyan ng first aid. Kung sa inyo po mangyari 'yun, palit ho tayo ng sitwasyon," sabi ni Anicka Benito, anak ng biktima.

Tinanggap naman ang biktima sa Philippine General Hospital. Stable na ang kaniyang kondisyon makaraan ang 11 oras na operasyon. Kinailangang bendahan ang kaniyang buo katawan.

Sinubukan ng GMA Integrated News na makapanayam ang ospital na hindi umano tumanggap sa biktima, pero hindi pa ito nagbibigay ng pahayag.

Nananawagan ang lokal na pamahalaan ng tulong at pambili ng mga gamot para sa pamilya ng biktima.

Patuloy ang pag-iimbestiga sa pinagmulan ng pagsabog ng LPG. — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News