Papatakas na ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo at dala ang P152,000 na pera mula sa kanilang hinoldap na lalaki sa Caloocan City. Pero hinabol at binangga sila ng isang motorista na nakakita sa ginawa nilang krimen na nagresulta sa pagkakadakip ng isa sa mga suspek.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita ang dalawang suspek na nag-aabang sa bahagi ng McArthur Highway, at bumaba ang angkas nito.
Nang dumating ang kanilang target na biktima na magdedeposito ng P152,000 na pera ng kompanya, tinutukan ito ng baril ng suspek at pilit na kinukuha ang pera.
Pero nang pumalag ang biktima, napilitan na rin ang rider na bumaba ng motorsiklo para tulungan ang kaniyang kasama.
Nang makuha ang pera ng biktima, sumibat ang dalawa sakay ng motorsiklo.
Nakita naman ng isang motorista na sakay ng kotse ang ginawa ng mga suspek na kaniyang hinabol.
Nang maabutan niya sa lugar na mayroong pulis, binangga niya ang motorsiklo na nauwi sa pagkakaaresto sa isa sa mga suspek, at pagkakabawi sa pera ng biktima.
Nakatakas naman ang isa pang suspek na patuloy na hinahanap.
Ayon kay Caloocan Police Investigation Section chief Rommel Caburog, posibleng may kasabwat ang mga suspek na nag-tip tungkol sa dalang pera at galaw ng biktima.
“Sa tingin po namin may tipster po sa loob [ng pinapasukan ng biktima], nagsasabi na ‘O, palabas na si…, magde-deposit na yan, abangan n’yo na ‘yan,” pahayag ni Caburog.
Hinihinalang bahagi ang mga suspek sa grupong nanghoholdap sa lugar.
Nagtamo ng mga galos sa katawan ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag tungkol sa alegasyon sa ginawa nilang krimen.—FRJ GMA Integrated News
