Itinuturing ng mga Tsino ang Agosto bilang “Ghost Month” dahil ito ang buwan na nagbubukas umano ang pinto ng mga pumanaw para bumalik sa mundo ng mga tao at iparamdam ang kanilang presensya. At ang ilan, nakararanas din ng pagkalugi sa negosyo.
Sa nakaraang episode ng I Juander, ikinuwento ni Dario Tangub na 2016 nang manahin niya mula sa kaniyang tiyahin ang isang mini grocery sa Bulacan.
Ayon sa kaniya, tila may malamig na hangin umano na pumipigil sa kanilang kita tuwing Hulyo at Agosto sa ilang taon niyang pagpapatakbo nito.
“Buwan ng taglakas talaga, January, February, March, April, hanggang May, maganda po talaga 'yung benta namin. Around P50,000 to P60,000 po 'yung benta namin. Start ng June, July, August, September, bumababa po talaga 'yung benta, ranging P30,000 to P40,000. So doon po namin nakikita na matamlay 'yung negosyo kasi bumababa po 'yung benta namin,” sabi ni Tangub.
Bukod dito, mga lima hanggang 10 customer ang pumapasok sa kanila sa isang oras sa normal na araw. Ngunit pagsapit ng Ghost Month, tatlo hanggang limang customer na lang ang pumapasok.
Dahil dito, nagsasaboy siya ng asin para maiwas ang kaniyang negosyo sa malas at masasamang enerhiya.
“August is really observed strictly by the Fil-Chi community because they are thinking that the seventh month of the [Lunar] year is the time wherein the souls are wandering sa Earth. Kaya nga, in fact, many economic activities are deferred but not halted because of the Ghost Month. You know, during August Ghost Month, there are so many investments that are halted and big spending, particularly in luxury. People are really being cautious about spending because they thought that it's not really a lucky month,” sabi ni Dr. Alain Santos, CPA, Department Chair ng UST Department of Economics.
Batay sa paniniwalang Budismo, minsan nang nanaginip ang tapat na alagad ni Buddha na si Mulian, na nilalamon umano ng apoy ng impyerno ang kaluluwa ng kaniyang ina. Nagising si Mulian na balot ng takot, lungkot at pangulila kaya siya nag-alay ng pagkain at naghain ng dasal para sa kaluluwa ng ina.
Dahil sa sakripisyo ni Mulian, pinaniniwalaang napalaya ang kaluluwa ng kaniyang ina mula sa apoy papunta sa liwanag. Dito nag-umpisa ang paniniwala na bumabalik sa mundo ng mga tao ang mga kaluluwa tuwing Ghost Month.
Paliwanag naman ng Feng Shui expert na si Johnson Chua, ang Ghost Month ay nagsimula sa China, na aktuwal na tinatawag na Ghost Month Festival, na hindi nakakatakot.
Buwan ito ng pag-alala at pagbibigay galang sa mga kaluluwa.
“Related din sa ating sa mga All Saints Day, All Souls Day, 'yung pagbibigay-pugay natin sa mga yumao natin, mga kapag-anak or sa mga loved ones natin. Pero ang Ghost Month Festival kasi it's one month siya na festival na kung saan binubuksan po 'yung tinatawag na gate of hell or they call it the gate of underworld. Huwag niyo pong isipin 'yung hell as an impyerno. The hell is just like the underworld or the kabilang buhay,” sabi ni Chua.
Kabilang sa mga pamahiin tuwing Ghost Month ang pag-iiwan ng espasyo sa unang row ng mga upuan sa mga pagtatanghal.
“‘Pag meron po dumalaw na mga spirit, because sabi nga natin Ghost Mountain Festival, pumupunta rin mga spirit sa atin. So, pag nandu’n sila, at least give the first row or first two rows or first three rows for them to sit. Allotted para sa kanila. They can either bless us or maybe they curse us,” sabi ni Chua.
Isa pang pamahiin ang pagsasampay ng damit sa gabi.
“Kapag po may sampay po kasi kayo sa labas ng bahay, akala po nila, ino-offer niyo po ‘yan sa kanila. So you are attracting them to go to your house,” sabi ni Chua.
Ang ingay naman ng wind chimes na isinasabit sa mga pinto bilang palamuti, nanggaling sa “Calling of the Spirits” noong unang panahon kung saan isang Taoist priest ang may hawak na bell para tumawag ng mga espiritu.
Nagsusunog din ang mga Tsino ng mga papel na kotse, cellphone at bahay bilang alay. —VBL GMA Integrated News
