Binigyang-diin ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Nicolas Torre III ang masamang idinudulot ng ilegal na droga matapos na mahuli sa Palawan ang limang estudyante na pinagmulan umano ng sigarilyong “tuklaw.” Ang naturang produkto na tinatawag ding black cigarettes, may halo umanong ilegal na kemikal na synthetic cannabinoid kaya nangingisay ang mga humihithit.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing naaresto ang mga estudyante na edad 19 hanggang 25 sa isang buy-bust operation sa Puerto Princesa City.

“Ito kasing nahuli natin is the identified source of the tuklaw na may synthetic cannabinoid nga dito sa Puerto Princesa,” ayon kay Police Colonel Cristine Tabdi, Puerto Princesa City Police Station acting director.

Bukod sa synthetic cannabinoid, may nakuha rin umanong marijuana sa mga suspek, na mahaharap sa reklamong sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang mga suspek.

Matatandaan na ilang kabataan ang nag-viral ang video sa social media na nakitang nangingisay sa gilid ng daan sa Puerto Princesa City matapos umanong pahithitin ng tuklaw.

Inihayag ng liderato ng PNP na patuloy ang kanilang imbestigasyon para mahuli ang pinanggagalingan ng “tuklaw” sa bansa.

“Marami pa ang ating tinitingnan na mga tao at sisiguraduhin nating na hindi ito maglipana pa,” ayon kay PNP chief Torre.

Sa imbestigasyon ng PNP, ibinebenta umano online ang tuklaw. Ang one milliliter ng synthetic cannabinoid, ibinebenta umano ng P300.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung saan nakukuha ng mga suspek ang ilegal na droga.

“May mga illicit trading routes na tinitingnan natin na maaring pinagdadaanan ng mga substance na ito,” ani Torre, na nagbigay ng babala lalo na sa mga kabataan tungkol sa paggamit ng “tuklaw” at iba pang uri ng ilegal droga.

“Walang mabuting idudulot sa inyo ‘yan. Ang bottomline lang diyan, wala pa akong nakitang adik na maganda at gwapo…lahat ng adik pangit,” giit niya..

“Tingnan niyo ang before and after, artista napakaganda, na-adik, tingnan mo [naging] hitsura,” dagdag pa ni Torre. — FRJ GMA Integrated News