Sapul sa camera ang pagnanakaw ng isang lalaki sa isang bahay sa Tondo, Maynila. Ang may-ari, namukhaan ang lalaki dahil ito rin mismo ang nagkabit ng CCTV sa kanilang bahay.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang footage ng lalaki na marahang ibinababa ang kawali na nakapatong sa isang LPG sa loob ng bahay Huwebes ng hating gabi.

Ilang saglit lang, tuluyan nang tinangay ng lalaki ang LPG tank saka mabilis na bumaba.

Sinabi ng biktimang si Shiela May Reyes na nasanay na silang hindi nagla-lock ng gate ng bahay dahil maraming tao ang nakatira sa kanila. Ngunit umaga na nang matuklasan ng kaniyang ate na nawawala ang kanilang LPG.

“May pasok 'yung anak niya. Tapos nakita niya bakit wala 'yung gamit doon. Anytime may umuwi, may umaalis kaya open gate lang, kahit sino nakakapasok,” sabi ni Reyes.

Ayon sa biktima, ang nakunang lalaki ang siya ring nagkabit ng mismong CCTV sa bahay na kaniyang nilooban.

“Parang ayaw niya magpakita sa camera pero kilalang kilala kasi namin siya eh. Ang kulit kasi siya rin 'yung nagkabit nu’n. Hindi niya man lang tinakpan 'yung mukha niya or ano. ‘Yung ‘pag may mga nasisira kaming gamit, siya din 'yung nag-aayos doon,” sabi pa ng biktima.

Sinabi naman ng barangay na residente nila ang suspek na ilang beses nang inireklamo dahil sa pagnanakaw umano. Bukod dito, nasangkot  na rin ang lalaki sa isang insidente ng panunutok ng kutsilyo umano sa isang menor de edad sa isang tindahan sa kabilang barangay.

Kabilang din sa drug watch list ng barangay ang suspek.

Maghahain ng formal complaint ang biktima sa Manila Police District para sa ikadadakip ng lalaki. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News